MANILA– Tinatayang ₱29.17 milyong halaga ng 320 kahon ng Astro at Redwood cigarettes na nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) sa isang kargamento na idineklarang scrap metal sa Subport of North Harbor.

Nabisto ang kontrabando nang sumailalim sa spot checking ang dalawang 1×20 container na nagmula sa Zamboanga, sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) K9 unit. Isang container ang natuklasang naglalaman ng mga ilegal na sigarilyo, habang ang isa naman ay may kargang white cigarette filters na nasa mga kahong may Chinese markings.

Natuklasan ang 320 kahon ng mga sigarilyo na hindi tumugma sa deklaradong laman ng kargamento. Tinatayang nasa ₱9.6 milyon ang import value ng mga produkto, habang umaabot sa ₱29.17 milyon ang kanilang presyo sa mercado.

Binigyang diin ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na hindi magiging daan ang maling deklarasyon upang maitago ang tunay na laman ng mga shipment at makaiwas sa kaukulang customs at tax requirements.

“Malinaw ang ating paninindigan: hindi magiging daan ang maling deklarasyon para makalusot ang mga iligal na produkto. Patuloy nating paiigtingin ang ating inspections, intelligence operations, at pakikipag-ugnayan sa ating mga partner agencies upang maprotektahan ang revenue ng pamahalaan at ang lehitimong kalakalan,” ani Commissioner Nepomuceno.

Ang pagkakadiskubre sa mga kargamento ay bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng BOC sa intelligence-driven inspections at inter-agency coordination upang matukoy ang mga misdeclared at posibleng illicit shipments bago makapasok sa lehitimong merkado. Kasabay nito, patuloy na isinasagawa ang kaukulang proseso alinsunod sa customs at revenue laws.

Sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Nepomuceno, nananatiling nakatuon ang Bureau sa pagpigil sa misdeclaration at iba pang pamamaraan ng pag-iwas sa customs requirements, habang pinangangalagaan ang seguridad ng bansa at ang patas na kompetisyon para sa mga lehitimong negosyo.

Leave a Reply

Trending