MUNTINLUPA—Nasagip sa retrieval operation ng DENR Metropolitan Environmental Office (MEO)-South, sa pamamagitan ng Compliance Monitoring and Enforcement Unit (CMEU), ang tatlong wildlife sa Muntinlupa City Animal Pound sa Barangay Tunasan.
Kabilang sa mga na-retrieve ang isang Marbled Water Monitor Lizard (Varanus marmoratus) o bayawak at dalawang Reticulated Python (Malayopython reticulatus) o sawa. Matapos ang paunang assessment, natukoy na nasa maayos na kondisyon ang bayawak at, alinsunod sa wildlife handling at release protocols, ay matagumpay na nailabas at na-release sa Las Piñas-Parañaque Wetland Park o LPPWP.

Samantala, may mga sugat at nasa mahinang kondisyon ang dalawang sawa kaya agad silang dinala sa Biodiversity Management Bureau–National Wildlife Research and Rescue Center (BMB-NWRRC) para sa masusing assessment, pangangalaga, at pagtukoy sa nararapat na disposisyon.
Paalala ng DENR-NCR sa publiko na huwag basta-basta kumuha, mag-alaga, maglipat, o magpakawala ng wildlife na matatagpuan sa komunidad. Sa halip, makipag-ugnayan agad sa pinakamalapit na tanggapan ng DENR o kinauukulang awtoridad upang matiyak ang ligtas at wastong paghawak sa mga hayop.
Saklaw ng Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001 ang mga aktibidad na may kinalaman sa wildlife at nangangailangan ng kaukulang permit o legal na awtoridad, kung naaangkop. (DENR NCR Press Release)





Leave a Reply