IBA, ZAMBALES — Pinag-aaralan ng pamahalaang panlalawigan ng Zambales ang pagdedeklara bilang danger zone sa sikat na destinasyong Liwliwa Beach sa San Felipe at ilang bahagi ng baybaying lugar sa kalapit na San Narciso, kasunod ng pinsalang dulot ng mga bagyo at patuloy na pagtatayo ng mga istruktura sa accretion area.

Lumabas ang plano matapos ang mga konsultasyong pinangunahan ni Gov. Hermogenes Ebdane Jr. at isang inter-agency meeting kasama ang Zambales Provincial Foreshore Lease Management Council (ZPFLMC) at mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Layunin ng mga hakbang na mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga baybaying lugar ng San Felipe at San Narciso at matugunan ang lumalalang problema ng pagtatayo ng mga istruktura sa loob ng accretion area.

Partikular na tinalakay sa pulong ang kalagayan ng mga beach resort sa San Felipe, lalo’t higit sa Sitio Liwliwa, kung saan may mga konkretong istrukturang itinayo sa loob ng accretion area.

Napag-alaman na ilang bahay at gusali ng mga resort sa Liwliwa ang gumuho dahil sa storm surge. Dahilan rito ay isinasaalang-alang ni Ebdane ang pansamantalang pagdedeklara sa Liwliwa bilang danger zone.

“Ang mga kongkretong pundasyon, mga bakal at iba pang materyales ay nananatiling nakalubog sa tubig at hindi nakikita ng mga pumupunta sa tabing-dagat. Nanatili itong banta sa kaligtasan ng bawat manlalangoy,” ani Ebdane.

Aniya, pansamantala lamang ang posibleng deklarasyon hanggang sa maalis ang lahat ng debris at iba pang mapanganib na materyales sa tubig.

Sa San Narciso, inirekomenda naman ng ZPFLMC ang pagkondena sa coastal road na matinding napinsala noong panahon ng habagat.

Iniulat ni Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) chief Marife Castillo sa mga miyembro ng ZPFLMC na nasa 1,071 residente sa loob ng accretion area sa mga barangay ng Sto. Niño, Amagna at La Paz ang nakatanggap ng Notice of Violation dahil sa iba’t ibang paglabag.

Sa kabila nito, patuloy pa rin umanong dumarami ang mga ilegal na naninirahan sa lugar, ayon kay Ebdane.

“Naniniwala ako na may sindikato na gumagana sa lugar na kumikita ng milyun-milyong piso sa pagbebenta ng bahagi ng accretion land sa mga prospect na mamumuhunan,” ani Ebdane.

“Kasama sila sa problema. Ilalantad namin sila, lalo na iyong mga sangkot sa pagbebenta ng lupa,” dagdag niya.

Plano rin ng pamahalaang panlalawigan na ipagbawal ang pagpasok ng mga materyales pangkonstruksyon sa loob ng accretion zone bilang bahagi ng mga hakbang upang mapigil ang pagtatayo ng mga ilegal na istruktura sa lugar. (Ulat ni Jun Dumaguing para sa Ang Pahayagan)

Leave a Reply

Trending