CLARK FREEPORT, Pampanga– Sa isang makabuluhang pagtatapos ng pagdiriwang ng Fish Conservation Week at ng month-long Maritime and Archipelagic Nation Awareness Month (MANA Mo), pinarangalan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Gitnang Luzon (BFAR 3) ang 48 indibidwal, organisasyon, institusyon, lokal na pamahalaan at katuwang na ahensya, na patuloy na nagbibigay ng mahalagang ambag sa pangangalaga at pagpapaunlad ng pangisdaan sa rehiyon.
Idinaos ang 2026 Gawad Pagkilala sa Widus Grand Ballroom, kung saan kinilala ang mga natatanging katuwang ng BFAR sa pagsusulong ng responsableng paggamit at pangangalaga ng yamang tubig, pagpapalakas ng kabuhayan ng mga mangingisda, at pagpapanatili ng isang masagana at produktibong pangisdaan para sa mga susunod na henerasyon.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni BFAR 3 Director Wilfredo Cruz ang kahalagahan ng pagkilala sa mga taong hindi lamang katuwang ng BFAR, kundi mga aktibong bahagi ng sama-samang pagkilos para sa pangisdaan at mga pamayanang umaasa rito, “ang pagkilalang ito ay hindi lamang upang mamahagi ng parangal. Ito ay pagkilala sa sama-samang pagsisikap ng bawat isa na nag-aambag sa pangangalaga ng ating yamang tubig at sa pagpapaunlad ng buhay ng ating mga mangingisda. Sa pamamagitan ng ating pagkakaisa, mas napapalakas natin ang pangisdaan.”
Naging bahagi rin ng pagdiriwang ang pagkilala sa mga nagwagi sa MMK 2.0 Regional Jingle Making Contest, na nagbigay-buhay sa adbokasiya sa pamamagitan ng musika at malikhaing pagpapahayag. Matapos ang paggawad ng kanilang mga premyo, itinanghal ng mga nangunang kalahok ang kanilang mga winning piece bilang tampok na intermission performance ng programa.

Iginawad din ang parangal sa mga nagwagi sa Fish N Reel Challenge, isang patimpalak na nagbigay-diin sa pagkamalikhain at talento ng mga kabataan habang isinusulong ang kamalayan sa kahalagahan ng pangisdaan at pangangalaga ng yamang tubig.
Higit pa sa isang seremonya ng pasasalamat, ang Gawad Pagkilala 2026 ay naging pagdiriwang ng pagkakaisa, isang pagkakataon upang kilalanin ang mga katuwang na sama-samang kumikilos para sa mas matatag na sektor ng pangisdaan.
At sa isang makahulugang pagtatapos ng programa, ang pagkilala ay ibinalik sa isang taong matagal nang nangunguna sa paglilingkod sa BFAR at sa sektor ng pangisdaan, inihandog din ng BFAR 3 family ang isang espesyal na Gawad Pagkilala kay Regional Director Wilfredo Cruz, bilang pasasalamat sa kanyang pamumuno, suporta, at paglilingkod sa ahensya at sa mga komunidad na patuloy nitong pinagsisilbihan.

Sa pagtatapos ng isang buwan ng pagdiriwang, pagkilala, at sama-samang pagkilos, iniwan ng Gawad Pagkilala 2026 ang isang mensaheng higit pa sa mga tropeo at sertipiko, na ang tunay na tagumpay sa pangisdaan ay sama-samang nakakamit, at ang bawat taong naglilingkod, nakikiisa, at nagmamalasakit ay bahagi ng tagumpay na ito. (BFAR Gitnang Luzon Press Release)
📸 BFAR Gitnang Luzon





Leave a Reply