SUBIC BAY FREEPORT — Ipatutupad ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang mandatory accreditation para sa lahat ng food delivery service na papasok sa Subic Bay Freeport Zone simula Oktubre 30, 2026.

Ayon sa notice to the public ng SBMA, kinakailangang kumuha ng opisyal na accreditation mula sa SBMA ang mga food delivery service provider na papasok sa Freeport.

Matatagpuan ang accreditation office sa Room 205, second floor, Regulatory Building, Labitan Street corner Rizal Highway, Subic Bay Freeport Zone.

Nagbabala ang SBMA na maaaring hindi payagang makapasok sa Freeport ang mga unaccredited na food delivery personnel at sasakyan.

Sinabi ni Amethya Dela Llana, senior deputy administrator for Regulatory Group ng SBMA, na layunin ng accreditation na matiyak na ang mga food delivery service provider ay may kaukulang permit, sanitation requirements, mayor’s permit at legal na pagkakakilanlan.

Nilinaw ni Dela Llana na hindi indibidwal na riders ang kailangang magpa-accredit kundi ang kumpanyang kanilang pinagtatrabahuhan.

“Hindi naman isa-isang magpa-accredit yung riders. Yung kumpanya ang magbabayad. So, pag nagbigay sila ng listahan ng riders, ina-assume na natin na implement nila yung standards nila,” ani Dela Llana.

Aniya, bahagi ng accreditation ang pagtiyak na sumusunod ang mga food delivery company sa mga itinakdang pamantayan upang mapanatili ang maayos na serbisyo sa kanilang mga kliyente.

May kaukulang accreditation fee na $200 bawat taon para sa mga kumpanya, ayon sa SBMA.

Bago ipatupad ang bagong patakaran, magsasagawa muna ang SBMA ng pagpupulong kasama ang mga food delivery service provider upang talakayin ang mga requirement at iba pang detalye ng accreditation.

Sinabi ni Dela Llana na makikipag-ugnayan din ang Health Services Department, law enforcement at iba pang tanggapan ng SBMA upang matiyak ang malinaw na pagpapatupad ng bagong patakaran. (Ang Pahayagan Reportorial Team)

Leave a comment

Trending