Nasagip ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Metropolitan Environmental Office-West (MEO-West) ang isang 14-foot Burmese python na kusang isinuko sa ahensya sa Barangay Pio del Pilar, Makati City.
Ayon sa DENR, isinuko ang sawa matapos pumanaw ang dating nag-aalaga rito. Nakipag-ugnayan ang mga kamag-anak ng dating tagapag-alaga sa ahensya upang matiyak ang patuloy na pangangalaga sa hayop.
Isinagawa ng Compliance Monitoring and Enforcement Office (CMEO) ng MEO-West ang rescue at turnover ng python.
Batay sa paunang pagsusuri ng CMEO, nasa maayos na kondisyon ang sawa at walang nakitang sugat o palatandaan ng pisikal na pagmamaltrato. Tinatayang 50 kilo ang bigat nito at 14 talampakan ang haba.

Matapos ang rescue, dinala ang sawa sa Wildlife Rescue Center ng Manila Zoo para sa karagdagang pagsusuri, pangangalaga at pagtukoy sa nararapat na disposition nito.
Ang Burmese python (Python bivittatus) ay isang non-venomous na uri ng ahas na katutubo sa Timog at Timog-Silangang Asya. Maaari itong lumaki nang hanggang 10 hanggang 16 talampakan at nangangailangan ng angkop na kondisyon at kaalaman sa paghawak at pangangalaga.
Pinayuhan ng DENR-NCR ang publiko na huwag direktang lapitan o hawakan ang naturang uri ng ahas, partikular kung matatagpuan ito sa residential o pampublikong lugar. Sa halip, dapat agad ipagbigay-alam ang presensya nito sa mga kinauukulang awtoridad.
Ipinaalala rin ng DENR-NCR na saklaw ng mga umiiral na batas at regulasyon ang pagkuha, pag-aalaga, pagbiyahe, pagbebenta at iba pang paggamit ng wildlife.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001, kinakailangan ang kaukulang permit, registration o iba pang legal na dokumento, depende sa uri ng wildlife at aktibidad. (DENR NCR Press Release)




Leave a comment