MALOLOS CITY, Bulacan — Kinondena ng mga mangingisda, magsasaka at iba pang grupo ang reclamation projects, sinasabing maanomalyang flood control infrastructure at korapsyon na umano’y nagpapalala sa paulit-ulit na pagbaha sa Bulacan.

Lumahok ang mga miyembro ng militanteng grupong mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa multisectoral protest na pinangunahan ng anti-corruption alliance na Kilos Bulacan sa Malolos City nitong Agosto 31.

Isinagawa ang protesta kasunod ng malawakang pagbaha sa lalawigan dulot ng Habagat na pinalakas ng bagyo. Sinisi ng mga nagprotesta ang umano’y maanomalyang flood control projects at reclamation sa patuloy na paglala ng pagbaha sa mga komunidad.

Ayon kay Ronnel Arambulo, vice chairperson ng PAMALAKAYA, napapanahon ang pagkilos ng mga residente, magsasaka at mangingisda upang manawagan ng hustisya at pananagutan sa mga opisyal at korporasyong umano’y umaabuso sa likas na yaman at nagpapataas sa panganib ng mga komunidad sa panahon ng kalamidad.

Iginiit ng PAMALAKAYA na nakadagdag sa pagbaha sa lalawigan ang pagtatayo ng New Manila International Airport (NMIA) sa Bulakan.

Ayon sa grupo, ang 2,500-ektaryang proyekto ay nagpaalis umano sa halos 1,000 pamilya ng mga mangingisda sa Barangay Taliptip at nagresulta sa pagputol ng mahigit 600 bakawan.

Binanggit din ng grupo ang imbestigasyon ng international nongovernmental organization na Global Witness, na nagsabing nahaharap ang proyekto sa malalaking panganib mula sa pagbaha at paglubog ng lupa.

Samantala, sinabi ni KMP Chairperson Danilo Ramos, residente ng Malolos City, na pinalala umano ng katiwalian sa mga flood-control infrastructure ang epekto ng pagbaha at nagdulot ng malaking pagkalugi sa sektor ng agrikultura.

Nanawagan si Ramos ng mga tunay na hakbang sa flood mitigation, pananagutan sa mga responsable at angkop na kompensasyon para sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha.

Sumali rin sa protesta ang Anakpawis Party-list, na nanawagan sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na tugunan agad ang problema sa pagbaha.

Ayon kay Glo Fernandez, coordinator ng Anakpawis, mahigit isang taon na mula nang mabunyag ang umano’y anomalya sa flood-control projects ngunit nananatiling bulnerable sa pagbaha ang maraming sektor sa lalawigan.

Nanawagan ang grupo na panagutin kapwa ang mga pulitikong sangkot sa umano’y maanomalyang flood-control projects at malalaking korporasyong sinisisi sa pagkasira ng kalikasan.

📸 PAMALAKAYA Pilipinas

Leave a comment

Trending