OLONGAPO CITY — Ipinahayag ng Aboitiz Renewables, Inc., parent company ng AP Renewable Energy Corporation (APREC), na hindi nagpapalala ng pagbaha sa mga komunidad sa Olongapo City ang kanilang solar power plant, kasunod ng patuloy na pagbaha na dulot ng habagat.
Sa isang statement, sinabi ng kumpanya na lubos itong nakikidalamhati sa naging epekto ng nakaraang pagbaha sa mga residente at pamilya na kinailangang lumikas sa kanilang mga tahanan. Sinabi rin nitong nagsagawa na ang APREC ng relief operations sa iba’t ibang bahagi ng lungsod at handang tumulong sa mga hakbang para sa pagbangon at pagpapalakas ng flood resilience ng komunidad.
Ayon sa Aboitiz Renewables, ipinaliwanag nito na ang pagbaha sa Olongapo ay dahilan sa kabilang ito sa Kalaklan River Basin na isang mababang coastal plain.
Gayunman, sinabi ng kumpanya na ang Olongapo Solar Power Plant ay idinisenyo upang hindi madagdagan ang panganib ng pagbaha sa lugar.
Kabilang sa mga hakbang na ipinatupad, ayon sa kumpanya, ang non-invasive site design na sumusunod sa natural na contour ng lupa, pagpapanatili ng natural na ground vegetation, at pagtatayo ng internal drainage, detention, slope protection at stabilization systems upang pamahalaan ang tubig-ulan at makatulong na maiwasan ang landslide.
Sinabi rin ng Aboitiz Renewables na isang independent third-party study ang nagsabing hindi nagpapalala ng pagbaha sa mga downstream sa komunidad ang solar power plant.
Iginiit ng kumpanya na mahigpit nitong sinusunod ang mga pamantayan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa operasyon ng proyekto.
Bukod dito, sinabi nitong nakapagbigay na ito ng mahigit 400,000 punla sa DENR Olongapo at nagsasagawa ng taunang tree-planting activities. Sa buong bansa, umabot na umano sa mahigit dalawang milyon ang mga punong itinanim ng kumpanya.
Tungkol naman sa mga Indigenous Peoples (IP), sinabi ng Aboitiz Renewables na dumaan ang proyekto sa Free, Prior and Informed Consent (FPIC) process alinsunod sa Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997.
Ayon sa kumpanya, nagkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) at Community Royalty Development Plan (CRDP) na naglalayong magbigay ng pangmatagalang pinansyal, institusyonal at panlipunang benepisyo sa mga apektadong IP communities.
Sinabi rin ng kumpanya na hindi nito sinisimulan ang konstruksyon ng mga proyekto hangga’t hindi nakukuha ang lahat ng kinakailangang permit at approval, kabilang ang Resolution of No Objection (RONO) mula sa mga apektadong local government units (LGUs), Environmental Compliance Certificate (ECC), permit para sa paggamit ng public lands at iba pang kinakailangang konsultasyon at dayalogo.
Ayon sa Aboitiz Renewables, patuloy itong nakikipag-ugnayan sa mga komunidad at nagsasagawa ng mga programa sa kabuhayan, edukasyon, kalusugan at pagpapaunlad ng ekonomiya.
Sinabi ng kumpanya na patuloy nitong susuportahan ang mga komunidad sa Olongapo at pananatilihin ang pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder alinsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon. (PR)




Leave a comment