QUEZON CITY — Inilunsad nitong Agosto 31 ang NO (Network Opposed) to Pax Silica Alliance, isang koalisyon ng mga Indigenous Peoples, environmental advocates, church workers at human rights defenders na nananawagan sa pagtutol sa Pax Silica Initiative.
Sa isinagawang launching sa Quezon City, binigyang-diin ng grupo ang kanilang pagtutol sa inisyatiba dahil sa umano’y banta nito sa mga lupang ninuno, likas na yaman at kabuhayan ng mga komunidad.

Ibinahagi ni Ayta-Hungey chieftain Apo Petronila Capiz ng Sitio Sapangkawayan, Capas, Tarlac, ang kalagayan ng kanilang komunidad at ang pagtutol sa mga hakbang na aniya’y maaaring magdulot ng pagpasok sa kanilang ancestral lands at pagkawala ng kanilang lupa, kabuhayan at kultura.
Nanawagan ang alyansa sa mga Pilipino na makiisa sa lumalawak na pagtutol sa Pax Silica Initiative, na ayon sa grupo ay maaaring magpalala sa pagsasamantala sa mga lupang ninuno at likas na yaman sa ngalan ng pag-unlad ng ekonomiya at seguridad.
Iginiit ng grupo na dapat maprotektahan ang ancestral lands at mga komunidad laban sa mga proyektong umano’y inuuna ang kita at interes ng mga dayuhan kaysa sa karapatan at kapakanan ng mga Pilipino.
📸 Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas




Leave a comment