ZAMBALES — Natagpuan at na-retrieve nitong Linggo ang huling nawawalang biktima sa insidente ng pagkalunod sa Lake Mapanuepe sa Barangay Buhawen, San Marcelino, Zambales noong Agosto 27, habang dalawang katao naman ang nasawi sa isang landslide sa Subic Bay Freeport Zone.
Bandang alas-11:20 ng umaga, matagumpay na narekober ng Incident Management Team (IMT) at mga responding personnel ang labi ng huling nawawalang biktima sa Lake Mapanuepe.
Positibong kinilala ng isang kamag-anak ang biktima, na kabilang sa mga naiulat na nawawala matapos tumaob ang sinasakyang bangka sa lawa.
Kahapon, na-retrieve rin ang mga labi ng dalawang batang kabilang sa mga nawawala.
Sa 13 pasahero ng bangka, apat ang nakaligtas habang siyam ang nasawi sa insidente.
Dinala ang mga labi ng mga biktima sa FAMA Funeral Services para sa kaukulang pag-aasikaso.
Kabilang sa mga lumahok sa search and retrieval operation ang San Marcelino Municipal Police Station, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, 2nd Provincial Mobile Force Company, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng San Marcelino at Philippine Army 69th Infantry Battalion.
Nagpasalamat naman si San Marcelino Mayor Elvis Ragadio Soria sa mga ahensyang nagtulungan sa operasyon.
Samantala, dalawang katao ang nasawi matapos matabunan sa landslide sa isang industrial park malapit sa Subic Freeport Expressway (SFEX) sa Subic Bay Freeport Zone noong Sabado, Agosto 29.

Ayon sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), gumuho ang isang retaining wall at dumausdos ang lupa patungo sa kalapit na yard kung saan naroon ang mga biktima.
Apat na katao ang natabunan ngunit agad na nailigtas at dinala sa ospital. Gayunman, idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang isang Chinese national at isang Filipino truck driver.
Patuloy ang imbestigasyon ng SBMA upang matukoy ang sanhi ng pagguho at iba pang detalye ng insidente. (Ang Pahayagan Reportorial Team)
📸🎥 Larawan mula sa PCG at screen grab mula sa Batang Gapo fb




Leave a comment