PALAUIG, Zambales — Nagsagawa ang 69th Infantry (Cougar) Battalion ng Philippine Army ng magkakahiwalay na search, rescue and retrieval (SRR) operations sa mga binahang lugar sa Olongapo City, Subic at San Marcelino, Zambales noong Agosto 28 hanggang 30, 2026.
Pinakilos ng 69IB ang mga tauhan ng Bravo Company sa pangunguna ni 1Lt. Dense Kyle R. Bendaña upang tumulong sa mga residenteng naapektuhan ng matinding pagbaha dulot ng patuloy na pag-ulan na dala ng Habagat.

Nakipagtulungan ang mga tauhan ng Army sa mga local government unit, Municipal at City Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMO/CDRRMO), Philippine Coast Guard, Philippine National Police, mga opisyal ng barangay at mga boluntaryo sa pagsasagawa ng rescue operations.
Ayon sa 69IB, bahagi ito ng patuloy nitong pagtugon sa mga komunidad na naapektuhan ng Habagat, partikular sa mga lugar na nangangailangan ng agarang tulong at paglikas.

Samantala, noong Agosto 30, pinangunahan ni 1Lt. Elinor Grace Impang, Civil-Military Operations officer ng 69IB, kasama ang Squad H69IB, ang pagtulong sa pamamahagi ng relief goods ng GMA Kapuso Foundation sa Barangay Malomboy, San Juan, Botolan, Zambales.
Patuloy namang nakahanda ang 69IB na rumesponde at makipagtulungan sa mga lokal na awtoridad at iba pang ahensya sa pagtugon sa mga epekto ng kalamidad sa lalawigan. (Ulat ni Jun Dumaguing para sa Ang Pahayagan)




Leave a comment