SAN MARCELINO, Zambales — Ipinagpatuloy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang search and rescue operations para mahanap ang mga pasaherong nawawala matapos tumaob ang isang bangka sa Mapanuepe Lake sa Barangay Buhawen, San Marcelino.
Muling nagsagawa ang mga responder ng surface search gamit ang isang barge at motorized banca sa paligid ng sunken church, na iniulat na malapit sa lugar kung saan lumubog ang bangka.

Kabilang sa patuloy na hinahanap ang isang buntis at dalawang bata, ayon sa ulat kaugnay ng insidente.
Samantala, nagkaloob ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng pinansyal na tulong sa mga pamilya ng mga nasawi sa insidenteng drowning noong Agosto 27.
Tumanggap ang bawat pamilya ng ₱20,000, kabilang ang ₱10,000 burial assistance at ₱10,000 financial assistance.
Ayon kay DSWD Regional Director Venus F. Rebuldela, ipinagkaloob ang tulong sa apat na pamilya ng mga nasawi.
Bukod dito, sinagot ng lokal na pamahalaan ng San Marcelino ang mga kabaong at iba pang serbisyo para sa mga nasawi bilang karagdagang suporta sa kanilang mga naulilang pamilya.

Kasalukuyang nakaburol sa isang punerarya sa bayan ang labi ng anim na biktima.
Nauna nang nakipagpulong si Rebuldela kina San Marcelino Mayor Elvis Soria, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) chief Arsenio Edar Mauricio III at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) chief Sarah Soria upang tiyakin ang agarang pagtugon at patuloy na suporta sa mga pamilyang naapektuhan ng insidente. (Ang Pahayagan Reportorial Team)




Leave a comment