ZAMBALES — Natagpuan at na-retrieve nitong Sabado, Agosto 29, ang mga bangkay ng dalawang batang kabilang sa mga naiulat na nawawala matapos malunod sa Lake Mapanuepe sa Barangay Buhawen, San Marcelino, Zambales noong Agosto 27.
Ayon sa awtoridad, bandang alas-10:10 ng umaga, habang sakay ng motorized banca mula Sitio Lumibao patungong Buhawen Proper, napansin nina Marcelo Balario at limang iba pang residente ang isang bangkay ng bata na lumulutang sa bahagi ng lawa.
Agad nila itong na-retrieve at dinala sa Buhawen Proper.
Positibong kinilala ng ama nitong si Deolito Pabalan ang bangkay bilang si Chandrea Dela Cruz Pabalan, isa sa mga naiulat na nawawala sa insidente.
Bandang alas-11:05 ng umaga, isa pang bangkay ng bata ang natagpuan ng mga responder habang nagpapatuloy ang Search, Rescue and Retrieval (SRR) operation sa lawa.
Kinilala ito ng ama nitong si Palito Liwanag bilang si Angelito Liwanag.
Dinala ang mga labi ng dalawang bata sa FAMA Funeral Home Service para sa kaukulang pag-aasikaso.


Patuloy naman ang search and retrieval operation ng mga awtoridad para sa isa pang nawawalang biktima, na iniulat na isang buntis.
Ayon sa pamahalaang lokal, sasagutin ng LGU San Marcelino ang gastusin para sa funeral services ng dalawang batang biktima bilang bahagi ng tulong nito sa mga naiwang pamilya.
Patuloy na pagbaha
Samantala, patuloy na nakaapekto ang pagbuhos ng ulan na dala ng Habagat sa ilang bahagi ng Zambales at Olongapo City, na nagdulot ng pagbaha at paglikas ng mga residente.


Ayon sa Olongapo City Information Office, umabot sa 452 pamilya o 1,395 indibidwal ang kinailangang ilikas mula sa mga mabababang lugar na binaha sa lungsod.
Agad namang ipinag-utos ni Olongapo City Mayor Rolen Paulino Jr. ang pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan at hygiene kits sa mga evacuee.
Sinuri rin ng Office of the City Engineer at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Mabayuan-Kalaklan Bridge matapos iulat sa social media na may bitak ito.
Batay sa isinagawang inspeksiyon, structurally safe ang tulay at ang nakitang bitak ay nasa overlay asphalt lamang sa ibabaw ng concrete slab.
Samantala, ilang pangunahing lansangan sa Olongapo ang pansamantalang hindi madaanan dahil sa hanggang dibdib na pagbaha.
Sa Zambales, iniulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na 2,241 pamilya o 6,399 indibidwal ang inilikas sa iba’t ibang evacuation center sa lalawigan.


Iniulat din na ilang bahagi ng National Highway sa Barangay Mangan-Vaca sa Subic at Barangay Mabanglit sa Cabangan ang pansamantalang hindi madaanan ng mga light vehicle dahil sa baha.
Muli namang naging passable ang mga naturang bahagi ng highway dakong hapon. (Ang Pahayagan Reportorial Team)
Mga larawan mula sa PRC-Olongapo Chapter, Olongapo City Information Office, Zambales PPO at Philippine CoastGuard




Leave a comment