SUBIC BAY FREEPORT — Ipinaalam ng Social Security System (SSS) Central Luzon 2 Division sa mga miyembro ang iba’t ibang programa, serbisyo at benepisyong maaari nilang mapakinabangan sa isinagawang regular na “Talakayan sa Freeport” ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Layunin ng programa ng SBMA Corporate Affairs Department na magbigay ng mga napapanahon at mahalagang impormasyon sa mga stakeholder sa Subic Bay Freeport Zone.

Sa talakayan, inilahad nina Renato A. Madera III, assistant branch head, at Julie Ann R. Arellano, senior communication analyst ng SSS Central Luzon 2 Division, ang mga benepisyo at loan program ng ahensya, kabilang rito ang pension loan at emergency loan para sa mga kwalipikadong miyembro.

Binigyang-diin ni Madera ang kahalagahan ng aktibo at regular na paghuhulog ng kontribusyon dahil nakadepende rito ang pagiging kwalipikado ng mga miyembro sa ilang benepisyo at loan program.

Kabilang sa mga short-term benefit ng SSS ang sickness, maternity at unemployment benefits, na may kanya-kanyang kwalipikasyon at kondisyon bago ma-avail ng mga miyembro.

Ipinaalala rin na mahalagang panatilihing updated ang kontribusyon upang maging kwalipikado sa mga loan program ng SSS.

Samantala, sinabi ni Arellano na pinangangalagaan at pinapalago ng SSS ang pondo nito sa pamamagitan ng maingat na pamumuhunan. Aniya, ang mga kontribusyon ng mga miyembro ay ini-invest upang makalikha ng kita at mapanatili ang kakayahan ng ahensya na magbigay ng mga benepisyo.

Ayon sa SSS, ang regular na paghuhulog ng kontribusyon ay hindi lamang mahalaga para sa agarang pangangailangan tulad ng loans at short-term benefits, kundi nagsisilbi ring pangmatagalang paghahanda para sa pagreretiro at iba pang benepisyo gaya ng disability benefit.

Binigyang-diin din sa talakayan ang responsibilidad ng mga employer at empleyado na tiyaking tama at regular ang paghuhulog ng kontribusyon at pagbabayad ng mga loan.

Sinabi ng SSS na maaaring makaapekto sa kakayahan ng isang miyembro na maka-avail ng ilang benepisyo at loan ang hindi updated na kontribusyon.

Sa pamamagitan ng talakayan, layunin ng SSS na higit na maipabatid sa mga miyembro ang kanilang mga karapatan, responsibilidad at mga benepisyong maaari nilang makuha mula sa sistema.

Hinikayat naman ng ahensya ang mga miyembro na panatilihing aktibo at updated ang kanilang kontribusyon bilang paghahanda sa mga pangangailangan sa panahon ng karamdaman, panganganak, kawalan ng trabaho at pagreretiro. (Ulat ni Mitch C. Santos para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment

Trending