ZAMBALES — Nagpatuloy nitong Biyernes, Agosto 28, ang rescue at evacuation operations ng mga local disaster response team at iba pang ahensya sa mga lugar na binaha dahil sa wala pa ring tigil na pag-ulan na dala ng southwest monsoon o Habagat.
Sa Cabangan, agad na rumesponde ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Cabangan Municipal Police Station, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG) at mga opisyal ng barangay sa mga mabababang lugar na sinalanta ng baha.
Kabilang sa kanilang mga isinagawa ang pagbabantay sa mga lugar na apektado ng pagbaha, pagsagip at paglikas sa mga residente at pagbibigay ng agarang tulong sa mga nangangailangan.

Binigyang-prayoridad ng mga responder ang senior citizens, bedridden individuals, mga bata at iba pang vulnerable individuals sa isinagawang rescue at evacuation operations.
Samantala, nagsagawa rin ng preemptive evacuation sa Botolan dahil sa patuloy na pag-ulan, partikular sa mga residenteng naninirahan sa mabababang lugar.

Pinayuhan ang mga residente sa mga lugar na malapit sa ilog at creek na manatiling alerto at makipag-ugnayan sa mga awtoridad kung kinakailangang lumikas upang maiwasan ang panganib.
Tumulong din ang mga rescue team sa mga motorista na naapektuhan ng pagtaas ng tubig sa national highway sa bahagi ng Cabangan at Botolan.
Kasabay nito, ipinagpatuloy ng PCG ang search and rescue operations para sa tatlong pasaherong iniulat na nawawala matapos tumaob ang isang motorbanca sa Mapanuepe Lake sa San Marcelino.

Ayon sa PCG, nagsagawa ang kanilang mga tauhan ng seaborne patrol at assessment sa lugar ng insidente bilang paghahanda sa underwater search and rescue operations.
Patuloy ang paghahanap sa mga nawawalang pasahero habang nakikipag-ugnayan ang PCG sa iba pang ahensya upang mapalawak ang operasyon.
Kabilang sa mga tumutulong sa search and rescue operations ang BFP, Subic Bay Metropolitan Authority-Fire Department at Philippine Red Cross. (Ang Pahayagan Reportorial Team)
Larawan mula sa PCG, Cabangan at Botolan MDRRMO




Leave a comment