Pormal nang nagtapos noong Agosto 23, 2026 ang unang serye ng “Salin Sining sa Ating Tagpuan,” isang pagtitipon na naglalayong itampok ang talento, likhang-sining, wika, at kulturang Filipino.

Isinagawa ang culminating activity sa Ayala Malls Harbor Point, kung saan tampok ang isang Artist Noon na sinamahan ng mga pagtatanghal mula sa mga lokal na talento ng Artist3 Art School & Academic Center Olongapo.

Nagbigay rin ng mensahe si Monette Faltiguera Cruz, CEO ng I-Pilipino, na nagpahayag ng kanyang kasiyahan sa patuloy na pagdami ng mga lumalahok at nakikiisa sa mga proyekto at exhibit ng organisasyon.

“Una sa lahat, labis akong natutuwa sa mga lumahok sa makasaysayang exhibit na ito na kinatatampukan ng mga I-Pilipino member at ng mga partner natin gaya ng Artist3. Natutuwa rin ako kasi tunay ngang lumalaki na tayo at mas dumadami na ang lumalahok sa ating mga exhibit,” ani Cruz.

Ayon kay Cruz, tampok sa naturang exhibit ang mga manlilikha at iba’t ibang gawang-kamay mula sa Olongapo, Zambales, at Nueva Ecija. Binigyang-diin din niya ang mga isinagawang workshop na katuwang ang Blum by Jeannie, na nagbigay sa mga kalahok ng pagkakataong matuto at higit pang malinang ang kanilang malikhaing kakayahan.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang I-Pilipino sa Ayala Malls Harbor Point at Department of Trade and Industry (DTI)–Zambales bilang mga katuwang sa pagdaraos ng aktibidad at sa pagbibigay ng espasyo upang maipamalas ang mga likhang-sining, wika, at kulturang Filipino.

Sa pamamagitan ng “Salin Sining sa Ating Tagpuan,” patuloy na nabibigyang-pansin ang mga lokal na alagad ng sining at manlilikha, kasabay ng pagbibigay sa kanila ng pagkakataong maibahagi ang kanilang talento, kaalaman, at malikhaing obra sa mas malawak na komunidad. (Ulat ni MITCH C. SANTOS para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment

Trending