OLONGAPO CITY — Nagsagawa ng General Assembly at Election of Officers ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP)–Olongapo-Zambales Chapter noong Miyerkules, Agosto 26, sa K5 News FM Olongapo Station.

Tinalakay sa pagpupulong ang pagpapalakas ng organisasyon at pagkakaisa ng mga mamamahayag sa Olongapo at Zambales, kabilang ang pagsusulong ng mga usapin para sa kapakanan at kaligtasan ng mga miyembro ng media.

Binigyang-diin din ng grupo ang panawagan para sa pagtigil sa media killings at red-tagging, gayundin ang pagsusulong ng decriminalization ng libel.

Bago ang General Assembly, nagsagawa rin ang chapter ng orientation para sa mga non-member journalists bilang bahagi ng pagpapalawak ng kasapian at pagpapakilala sa mga layunin, adbokasiya at kampanya ng NUJP.

Limang mamamahayag ang nagpahayag ng interes na sumali sa organisasyon, na kinikilala bilang Philippine affiliate ng International Federation of Journalists (IFJ), isang pandaigdigang pederasyon ng mga unyon ng mamamahayag.

Samantala, inihalal ang mga bagong opisyal na mamumuno sa NUJP Olongapo-Zambales Chapter para sa dalawang taong termino mula Agosto 2026 hanggang Agosto 2028.

Narito ang mga bagong halal na opisyal:

  • Chair: Ansbert Joaquin
  • Vice Chair: Michael Santos
  • Secretary General: Jack
  • Treasurer: Marti Dumaguing
  • Auditor: Froy Sanchez
  • Safety Officer: Ruben Veloria

Patuloy namang itinataguyod ng NUJP ang karapatan at kapakanan ng mga mamamahayag, kabilang ang pagtatanggol sa press freedom at pagsusulong ng kaligtasan ng mga nagtatrabaho sa media. (Ulat ni MITCH C. SANTOS para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment

Trending