DBM naglaan ng P73.67 bilyon para sa subsistence allowance ng mahigit 583,000 military at uniformed personnel

Inihain ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang karagdagang P10 bilyong pondo para sa Revised Armed Forces of the Philippines Modernization Program (RAFPMP), kaya aabot sa P50 bilyon ang allocation nito para sa 2027. Bahagi ito ng hakbang ng gobyerno para lalo pang palakasin ang defense capabilities ng bansa sa gitna ng umiigting na mga hamon sa ating seguridad.

Bukod sa P50-bilyong modernization fund, naglalaan din ang proposed Fiscal Year (FY) 2027 National Budget ng P73.67 bilyon para sa subsistence allowance ng 583,130 military and uniformed personnel (MUP). Layunin nitong ipagpatuloy ang suporta ng gobyerno sa mga kalalakihan at kababaihang nasa frontline ng national security, peace and order, at public safety.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), sa pamumuno ni Acting Secretary Kim Robert C. De Leon, ipinapakita ng mga proposed investment na ito ang dalawang pangunahing paraan ng Marcos Administration sa pagpapalakas ng national security: pagpapalakas ng kapasidad na kailangan upang ipagtanggol ang bansa, habang tinitiyak din ang sapat na suporta para sa mga personnel na pinagkatiwalaang gampanan ang misyong ito.

Ang proposed P50 bilyon para sa RAFPMP, na mas mataas sa P40 bilyon noong FY 2026, ay makatutulong upang bahagyang matugunan ang mga pangangailangan ng AFP modernization program at lalo pang mapahusay ang kakayahan ng militar na protektahan ang sovereignty at territorial integrity ng Pilipinas.

Itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 7898, o ang AFP Modernization Act, na inamyendahan ng Republic Act No. 10349, ang RAFPMP ay naglalayong paunlarin ang capabilities ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang pangalagaan ang sovereignty at patrimony ng Republika, tiyakin ang seguridad ng national territory, at protektahan ang mamamayang Pilipino.

Bukod sa modernization ng defense capabilities ng bansa, ipinagpapatuloy din ng proposed FY 2027 National Budget ang mas mataas na subsistence allowance para sa military and uniformed personnel.

Kabuuang P73.67 bilyon ang isinusulong na pondo para sa subsistence allowance ng 583,130 MUP bilang pagkilala sa kanilang mabibigat na tungkulin—mula sa pagprotekta sa mga komunidad at pagpapanatili ng peace and order hanggang sa pagtugon sa mga emergency at pangangalaga sa national security.

Alinsunod sa Executive Order No. 107 (s. 2025), itinaas mula P150 patungong P350 ang daily subsistence allowance ng mga kwalipikadong MUP simula Enero 1, 2026. Nagbibigay ito ng mas malaking suporta para sa kanilang pagkain, lalo na sa mga personnel na kailangang manatiling handang tumugon sa kanilang tungkulin kahit sa oras ng pagkain.

Ang proposed FY 2027 allocation para sa MUP subsistence allowance ay P2.15 bilyon, o 3.0 porsiyento, na mas mataas kumpara sa FY 2026 GAA level. Pangunahing dahilan nito ang inaasahang pagtaas ng bilang ng filled positions sa military at uniformed services sa susunod na taon.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na mahalagang bahagi ng pagpapatuloy ng mas malawak na development agenda ng bansa ang pagpapalakas ng national security.

“Peace, stability, and national security remain indispensable to sustaining economic progress and national development,” pahayag ni Pangulong Marcos sa kanyang Budget Message para sa FY 2027.

Sa ilalim ng proposed FY 2027 National Budget, patuloy na sinusuportahan ng DBM ang pagpapalakas sa defense sector upang mas maging handa ito sa mga bagong hamon sa seguridad at mas maayos na magampanan ang tungkulin nitong protektahan ang bansa. Kasabay nito, pinapalakas din ang kakayahan ng ating depensa at ang suporta sa mga kalalakihan at kababaihang handang maglingkod at magtanggol sa bayan. [DBM PR]

Leave a comment

Trending