OLONGAPO CITY — Naitala ang mabilis na pagtaas ng tubig sa ilang bahagi ng Olongapo City nitong Martes, Agosto 25, dahil sa pabugso-bugsong pag-ulan.

Ayon sa Olongapo City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), umabot sa 1.2 metro ang high tide dakong alas-7:06 ng umaga. Inaasahan naman ang low tide na 0.14 metro dakong alas-4:23 ng hapon.

Samantala, muling tumaas ang lebel ng tubig sa ilalim ng tatlong tulay sa lungsod.

Batay sa monitoring ng mga awtoridad, umabot sa 2.5 metro ang lebel ng tubig sa Sta. Rita Bridge dakong alas-8:47 ng umaga, na nasa kritikal na antas.

Naitala rin ang 2.3 metro sa Del Rosario Bridge at 2.2 metro sa Kalaklan Bridge, na kapwa nasa kritikal na antas.

Sa kabila nito, walang naitalang nasaktan, pagguho ng lupa o paglikas ng mga residente sa alinmang barangay sa lungsod.

Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang mga lugar na maaaring maapektuhan ng patuloy na pag-ulan at pagtaas ng tubig. (Ulat ni Mitch C. Santos para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment

Trending