OLONGAPO CITY — Hiniling ni Olongapo City Vice Mayor Kaye Ann Legaspi sa Sangguniang Panlungsod ang pagsasagawa ng legislative inquiry, in aid of legislation, upang suriin ang mga problema sa drainage at paulit-ulit na pagbaha sa lungsod.
Sa isang liham sa mga miyembro ng konseho, sinabi ni Legaspi na layunin ng inquiry na i-review at i-validate ang Flood Vulnerability Map ng lungsod, tukuyin ang mga lugar na paulit-ulit na binabaha, at alamin ang mga environmental at structural na dahilan ng kanilang vulnerability.
Kasama rin sa mga iminungkahing hakbang ang pagsusuri sa kondisyon at kapasidad ng drainage system, waterways, pumping stations at flood-control infrastructure, gayundin ang maintenance at pagiging epektibo ng mga ito.
Iminungkahi rin ni Legaspi ang regular na Flood and Drainage Audit at pagbuo ng Multi-Year Flood Mitigation Program na may malinaw na priority projects, timeline, responsableng tanggapan, pondo at monitoring mechanism.
Kabilang pa sa panukala ang pagpapalakas o pagbuo ng City Flood Task Force, pagtatatag ng Public Flood Information Dashboard, at pagbuo ng Comprehensive Flood Policy Framework at Comprehensive Drainage Master Plan para gawing pangmatagalang prayoridad ng lungsod ang flood prevention, drainage improvement at flood resilience.
Ayon kay Legaspi, hindi man mapipigilan ang malakas na ulan, maaaring paghandaan at mabawasan ang epekto nito sa mga komunidad.
Sinabi niya na kailangang lumipat ang lungsod mula sa reactive response tungo sa proactive, preventive at pangmatagalang solusyon sa pagbaha.
Samantala, nagpahayag ng suporta si Olongapo City Mayor Rolen Paulino Jr. sa hakbang ni Legaspi at ng City Council.
“Lahat po tayo pare-pareho ng gustong mangyari,” ani Paulino, habang kinikilala na malayo na ang narating ng lungsod ngunit marami pa ring kailangang gawin upang tuluyang matugunan ang problema sa pagbaha.
Sinabi ng alkalde na sisiguraduhin niyang makikipagtulungan ang lahat ng tanggapan ng City Government sa konseho sa pamamagitan ng pagbibigay ng technical expertise at impormasyon.
Iminungkahi rin ni Paulino na isama sa pagpaplano at pagtugon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Mines and Geosciences Bureau (MGB), at Department of Public Works and Highways (DPWH), na may malaking papel sa mga flood-control project.
Nagpasalamat si Paulino sa mga miyembro ng konseho at iba pang nais tumulong sa mga hakbang para mapabuti ang kalagayan ng Olongapo. (Ulat ni Jun Dumaguing para sa Ang Pahayagan)
📸 Jacques De Vera





Leave a Reply