SAN MARCELINO, Zambales– Nagsagawa ng relief operation ang magkatuwang na mga ahensya ng pamahalaan, organisasyon at pribadong sektor para sa mga residente ng Barangay Sta. Fe, San Marcelino, Zambales noong Agosto 22, 2026.

Bandang alas-9:00 ng umaga, pinangunahan ng San Marcelino Municipal Police Station (MPS) at 2nd Provincial Mobile Force Company ng Zambales Police Provincial Office (ZPPO), Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Fire Department, kasama ang San Marcelino Local Government Unit (LGU), ang pamamahagi ng tulong sa ilalim ng JBM CARES Initiative.

Katuwang din sa operasyon ang Rotary Club of San Marcelino, Office of Civil Defense Region 3 (OCD R3), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Zambales Governor’s Office, ZAMBALI Quarry Operators Association, Legacy Memorial Park at SWS Batch ’84.

Layunin ng aktibidad na makapaghatid ng agarang tulong at pangunahing pangangailangan sa mga residenteng naapektuhan ng kamakailang sama ng panahon.

Ayon sa mga nagsagawa ng operasyon, ipinakita ng pagtutulungan ng mga ahensya, organisasyon at pribadong sektor ang patuloy na malasakit at pagkakaisa para sa kapakanan ng komunidad, partikular sa panahon ng kalamidad.

Bahagi rin ito ng patuloy na pagsisikap ng mga awtoridad at katuwang na organisasyon na palakasin ang pagtugon sa pangangailangan ng mga komunidad na apektado ng mga sakuna. (Ulat at mga larawang kuha ni MITCH C. SANTOS para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment

Trending