OLONGAPO CITY — Ilang insidente ng landslide, soil erosion at pagguho ng slope protection ang naitala sa iba’t ibang bahagi ng Olongapo City dahil sa malalakas na pag-ulan dulot ng Habagat nitong nakalipas na dalawang araw.

Sa Barangay Kalaklan, isang malaking bato ang bumagsak mula sa bundok sa likod ng Sergia Soriano Esteban Integrated School 1 at tumama sa bakod ng paaralan, na naging sanhi ng pagguho nito.

Larawan mula kay Kalaklan Chair Willy Umali

Naitala rin ang maliliit na landslide at pagbagsak ng mga puno sa zigzag portion ng Olongapo-Bugallon Highway mula Barangay Kalaklan hanggang Barangay Barretto.

Agad na nagsagawa ng clearing at safety operations ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), Barangay Kalaklan Rescue at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang alisin ang mga debris at matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at residente.

Samantala, nasira ang slope protection sa Precast area sa zigzag road sa National Highway sa Old Cabalan, na nakaapekto rin sa ilang kalapit na kabahayan.

Rumesponde ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at iba pang rescue groups upang tugunan ang insidente at magsagawa ng assessment sa lugar.

Nagtungo rin sa lugar si Olongapo City Mayor Atty. Rolen Paulino Jr., kasama si City Police Director Police Col. Deonido Maniago at mga kinatawan ng DPWH, upang inspeksyunin ang pinsala.

Larawan mula sa Olongapo City Information Center

Nitong Martes, Agosto 18, naglatag ang DPWH ng gabion mesh wire bilang pansamantalang retaining wall upang mapigilan ang paglala ng pinsala sa slope protection.

Patuloy ang assessment, clearing operations at koordinasyon ng mga kinauukulang tanggapan upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente, motorista, estudyante at kawani ng paaralan.

Pinapayuhan ang publiko na manatiling mapagmatyag at iwasang lumapit sa mga lugar na apektado ng pagguho ng lupa, pagbagsak ng mga bato at iba pang panganib habang nagpapatuloy ang pag-ulan. (Ang Pahayagan Reportorial Team)

Leave a Reply

Trending