Magkakahiwalay man ang mga insidente ng landslide, soil erosion, pagguho ng mga proyektong imprastraktura, pagbaha at pagkasira ng mga tulay sa siyudad ng Olongapo at ilang bahagi ng Zambales nitong mga nakaraang araw, iisa ang mahalagang tanong: Hanggang saan ang pananagutan ng tao sa mga sakunang lalong pinalalala ng pagkasira ng kalikasan?

Madaling ituro ang daliri sa karaniwang mamamayan—sa basurang itinatapon kung saan-saan, sa mga baradong kanal at sa kawalan ng disiplina. Totoong may pananagutan ang bawat isa. Ngunit hindi dapat dito nagtatapos ang usapan.

Sapagkat hindi basura lamang ang nagpapabago sa daloy ng tubig. Hindi basura ang nagpapakalbo ng bundok, nagpapatag ng mga dalisdis o sumasakop sa mga natural na daluyan ng ilog at sapa.

Sa Zambales, matagal nang usapin ang epekto ng malalaking operasyon sa pagmimina, ang dredging at iba pang aktibidad na gumagamit ng malalawak na bahagi ng kabundukan, ilog at lupa. Sa mga lugar tulad ng Sta. Cruz, Masinloc, Botolan at San Marcelino, nararapat lamang na patuloy at mahigpit na suriin ang epekto ng mga ganitong operasyon sa watershed, lupa at mga komunidad.

Ganoon din sa mabilis na paglawak ng mga subdivision, industrial development, solar farm at iba pang proyekto. Hindi nangangahulugan ang pagsusuri sa epekto ng mga ito na tutol tayo sa pag-unlad. Ang hinihingi lamang ay responsableng pag-unlad.

Saan itinayo ang proyekto? Ano ang binago sa natural na daloy ng tubig? Ilang puno ang nawala? Ano ang naging epekto sa lupa at watershed? At sino ang mananagot kung ang komunidad ang unang mapinsala?

Hindi maaaring palaging komunidad ang sisihin kapag bumaha.

Ang ulan ay natural. Ang landslide at pagbaha ay mga panganib na bahagi ng ating kapaligiran. Ngunit maaaring lumala ang epekto ng mga ito dahil sa maling paggamit ng lupa, pagkasira ng watershed, pagbabago sa natural na daluyan ng tubig at mga proyektong hindi isinasaalang-alang ang kapasidad ng kapaligiran.

Gayundin, kailangang maging mapanuri sa mga flood control project. Hindi sapat ang pagtatayo ng konkretong pader, kanal o slope protection upang masabing nalutas na ang problema. Kailangang tiyakin na tama ang disenyo, angkop sa lugar, matibay ang materyales at maayos ang pagpapatupad.

At kung may mapatutunayang katiwalian, kapabayaan o paglabag sa batas, dapat may managot.

Dito pumapasok ang mas mahalagang usapin: Sino ang nakikinabang sa pag-unlad, at sino ang nagbabayad kapag ito ay nauwi sa kapahamakan?

Kung tunay na ipinaglalaban ng mga lider ang kapakanan ng kanilang nasasakupan, hindi sapat ang tarpaulin, press release o pangakong paulit-ulit tuwing halalan. Dapat itong makita sa matibay na pagpapatupad ng batas pangkalikasan, maayos na land-use planning at proteksiyon sa bundok, ilog, kagubatan at mga komunidad.

Busisiin ang bawat permit. Suriin ang bawat environmental compliance. I-audit ang bawat flood control project. Panagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas o nagwaldas ng pera ng bayan.

Sapagkat ang kalikasan ay walang partido, walang kulay pulitikal at walang kinikilalang padrino.

Kapag gumuho ang bundok, hindi nito tatanungin kung sino ang mayaman o mahirap. Kapag umapaw ang ilog, hindi nito tatanungin kung sino ang bumoto kanino. Kapag lumubog sa baha ang isang komunidad, lahat ay maaaring maging biktima.

Kaya ang laban sa baha at landslide ay hindi lamang laban sa tubig at putik. Ito rin ay laban sa kasakiman, kapabayaan, maling pagpaplano at kawalan ng pananagutan.

Ang tunay na kaunlaran ay hindi nasusukat sa dami ng gusaling naitayo, kalsadang nabuksan o lupang nadebelop. Nasusukat din ito sa kung may bundok pa bang maiiwan sa susunod na henerasyon, may ilog pa bang malayang dadaluyan ng tubig at may ligtas pa bang komunidad na matitirhan ang ating mga anak.

Kung ang tinatawag na “pag-unlad” ay unti-unting sumisira sa kalikasan at inilalagay sa panganib ang mamamayan, hindi iyon tunay na kaunlaran.

Iyon ay pag-unlad na may nakatagong presyo—at ang mamamayan ang sinisingil.

Mas mahalaga ang buhay kaysa kita. Mas mahalaga ang kalikasan kaysa kontrata. At higit sa lahat, mas mahalaga ang bayan kaysa interes ng iilan.

Hindi tahimik ang kalikasan. Sa bawat pagguho, pag-apaw at pagbaha, maaaring nagbababala lamang ito.

Leave a comment

Trending