PASAY CITY — Sinubaybayan ng Department of Environment and Natural Resources-National Capital Region (DENR-NCR) ang 30 Wildlife Special Use Permits (WSUPs) sa ginanap na Boa Keepers Philippines–International Pet Summit sa Pasay City.

Isinagawa ng mga kawani ng Enforcement Division at Metropolitan Environmental Office-West ng DENR-NCR ang monitoring at inspection upang matiyak na ang mga wildlife na ipinakita at iba pang aktibidad sa summit ay naaayon sa mga kondisyon at probisyon ng kani-kanilang permit.

Kabilang sa mga wildlife species na itinampok ng mga permittee ang bearded dragon, ball python, leopard gecko, African grey parrot, sun conure, sugar glider at Asian palm civet, bukod sa iba pa.

Ayon sa DENR-NCR, mahalaga ang regular na monitoring upang matiyak na ang pag-aalaga, paggamit at pagpapakita ng wildlife ay isinasagawa alinsunod sa mga umiiral na patakaran sa pangangalaga at proteksyon ng wildlife.

Bahagi ang aktibidad ng patuloy na pagpapatupad ng Biodiversity Conservation Program ng DENR-NCR, na naglalayong palakasin ang proteksyon at pangangalaga sa mga wildlife species sa Metro Manila, kabilang ang mga endemic at nanganganib na species.

Isinasagawa ang mga hakbang na ito alinsunod sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001.

Hinimok naman ng DENR-NCR ang publiko na maging responsable sa pag-aalaga ng wildlife at pangangalaga sa kapaligiran sa pamamagitan ng pagsunod sa batas at pagtiyak sa kapakanan ng mga hayop.

Leave a comment

Trending