SUBIC BAY FREEPORT — Tampok ang sining, kultura at pamanang Pilipino sa “Ating Tagpuan: Celebrating Our Heritage Makes All the Difference,” isang art event na ginaganap sa Ayala Malls Harbor Point sa Subic Bay Freeport Zone mula Agosto 16 hanggang 31.
Pormal na binuksan ang aktibidad noong Agosto 16 sa 2/F Activity Center ng Ayala Malls Harbor Point, na naglalayong pag-ugnayin ang mga alagad ng sining, komunidad at mga institusyong sumusuporta sa malikhaing industriya.
Nagbigay ng mensahe sa pagbubukas sina Monette Faltriguera Cruz ng I-Pilipino, Grace Rebogio-Ignisaban ng Ayala Malls Harbor Point at Evangeline Bulda ng Department of Trade and Industry-Zambales.
Pinangunahan nina DJ Tommy at host Roman ang programa, na tampok ang mga musical performance at mensaheng nagbibigay-inspirasyon mula sa mga piling artista.
Kabilang din sa mga aktibidad ang pagkilala sa mga lumahok na artista, ribbon-cutting ceremony at gallery walkthrough kasama ang curator.
Bahagi ng “Ating Tagpuan” ang Visual Art Gallery, Artisan Market, workshops at iba pang cultural activities na naglalayong itampok ang talento ng mga lokal na artista at palalimin ang pagpapahalaga sa kulturang Pilipino.
Binigyang-diin sa programa ang papel ng sining at kultura sa pagpapanatili at pagpapasa ng mayamang pamana ng mga Pilipino sa susunod na henerasyon. (Ulat ni Mitch C. Santos para sa Ang Pahayagan)





Leave a Reply