SUBIC BAY FREEPORT — Nagpatupad ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ng work-from-home arrangement para sa mga empleyado nito dahil sa patuloy na malakas na pag-ulan at pagbaha na nakaapekto sa Subic Bay Freeport nitong tanghali ng Lunes, Agosto 17.
Ayon sa advisory ng SBMA Corporate Affairs Department, ipinatupad ang work-from-home arrangement alinsunod sa Memorandum Circular No. 127 na inilabas ng Office of the President.

Kasabay nito, sinuspinde rin ng SBMA ang operasyon ng e-bus dahil sa mga pagbaha sa ilang pangunahing lansangan sa loob ng Freeport.
Gayunman, mananatiling naka-standby ang mga yunit ng SBMA na nagbibigay ng emergency at disaster response upang matiyak ang pagpapatuloy ng mahahalagang serbisyo, ayon sa ahensya.


Ang suspension o pagpapatupad ng alternatibong work schedule sa mga pribadong kumpanya, ay nakabatay naman sa pagpapasya ng kani-kanilang pamunuan.
Nauna nang naglabas ng weather advisory ang DOST-PAGASA hinggil sa mga pag-ulang posibleng makaapekto sa kanlurang bahagi ng Luzon, kabilang ang Zambales. Inaasahang magpapatuloy ang mga pag-ulan hanggang Miyerkules, Agosto 19.





Leave a Reply