NI: MITCH C. SANTOS
CAPAS, Tarlac– Sa kabila ng masamang panahon, nagsama-sama at nagkaisa ang may 564 mga katutubong Ayta mula sa iba’t ibang komunidad upang ipagdiwang ang Indigenous Peoples Day at isagawa ang isang community forum sa Sitio Kalangitan, Capas, Tarlac.
Naki-isa sa pagdiriwang ang grupong KATRIBU Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas sa aktibidad na may temang “Boses ng mga Katutubo: IP Day and Community Forum on Pax Silica — Ipagtanggol ang Lupang Ninuno.”
Tampok sa forum ang mga salaysay at paninindigan ng mga Ayta hinggil sa kanilang mariing pagtutol sa Pax Silica Initiative ng US. Malinaw sa kanilang mga pahayag na ang inisyatiba ay magbibigay banta sa kanilang lupa, kabuhayan, kaligtasan, kultura, at karapatan sa sariling pagpapasya.
Sa harap ng patuloy na pagtutulak sa proyekto, nananatiling matatag ang mga Ayta sa pagtatanggol sa kanilang lupang ninuno. Hindi anila sila papayag na gawing lugar ng pagkuha ng kritikal na mineral ang kanilang mga komunidad kapalit ng pagkasira ng kanilang kabuhayan at kalikasan.

“Humahanga tayo sa tapang, pagkakaisa, at militansya ng ating mga kapatid na Ayta. Ang kanilang boses ay boses ng pagtatanggol sa lupang ninuno at karapatan ng lahat ng katutubo,” sambit ng isang miyembro ng support group na dumalo sa okasyon.
Nangako din ang mga ito na patuloy nilang palalakasin ang kampanya laban sa Pax Silica at tutulong sa paglaban ang lupang ninuno kaugnay sa umano;y mapanirang proyekto, at igiit ang karapatan ng mga katutubo sa sariling pagpapasya.
Nakiisa rin sa aktibidad ang mga taong-simbahan mula sa Pangasinan and Central Luzon Ecumenical Assembly (PACLEA), Board of Women’s Work-Philippine Regional Conference at iba’t ibang advocates na nagpahayag ng suporta sa panawagan ng mga Ayta na ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno at kalikasan. (May dagdag ulat mula sa Ang Pahayagan Reportorial Team)
📸 KATRIBU Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas




Leave a comment