SAN MARCELINO, Zambales — Naghatid ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 3 ng 200 Family Food Packs sa Barangay Santa Fe sa pamamagitan ng airlift operation matapos ma-isolate ang komunidad dahil sa nasirang tulay at mga kalsadang hindi madaanan dulot ng matinding pagbaha.

Isinagawa ang operasyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking agad na maabot ng ayuda ang mga pamilyang naapektuhan ng sakuna, ayon sa DSWD.

Naging posible ang airlift sa tulong ng Tactical Operations Group 3 ng Philippine Air Force, Northern Luzon Command at Office of Civil Defense Region 3. Lumipad ang relief supplies mula Air Force City sa Clark patungo sa Barangay Santa Fe.

Pinangunahan nina DSWD Regional Director Venus F. Rebuldela, Assistant Regional Director for Administration Allyp Albert L. Baybayan, Christian Joy Soliman at Rommel Yango ang paghahatid ng ayuda sa komunidad.

Ang Barangay Santa Fe ay isang Geographically Isolated and Disadvantaged Area (GIDA) na pansamantalang nahiwalay sa kabayanan ng San Marcelino matapos masira ang nag-iisang tulay na nagsisilbing pangunahing daanan ng mga residente.

Sinabi ng DSWD na patuloy itong nakikipag-ugnayan sa mga lokal at panlalawigang pamahalaan sa Gitnang Luzon upang matiyak ang mabilis na paghahatid ng tulong sa mga komunidad na apektado ng Enhanced Southwest Monsoon at ng mga bagyong Luis at Maymay. (Ulat ni Jun Dumaguing para sa Ang Pahayagan)

(Larawan mula sa DSWD Field Office 3-Central Luzon)

Leave a comment

Trending