LIMAY, Bataan — Isang adult na babaeng Philippine deer (Rusa marianna) ang nasagip matapos matagpuang sugatan sa loob ng Government Arsenal sa Camp Gen. Antonio Luna, Lamao, Limay, Bataan, nitong Huwebes, Agosto 14.

Ayon sa staff ng Government Arsenal, iniulat nila sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bataan ang pagkakatagpo sa sugatang usa.

Agad na rumesponde ang beterinaryo ng Provincial Veterinary Office-Bataan at mga tauhan ng Municipal Environment and Natural Resources Office-Limay upang suriin at gamutin ang hayop.

Batay sa pagsusuri at panayam sa mga tauhan ng arsenal, ang usa ay isang adult Philippine deer na inatake ng aso. Tinahi at nilapatan ng gamot ang mga sugat nito bago inilipat sa mas ligtas na lugar sa loob ng kampo para sa patuloy na gamutan at pag-aalaga.

Dahil sa insidente, sinabi ng mga awtoridad na posibleng may natural na habitat ng Philippine deer sa loob ng Government Arsenal.

Nakasaad sa DENR Administrative Order No. 2019-09 na kabilang ang Philippine deer sa mga endangered species sa Pilipinas.

Patuloy na makikipag-ugnayan ang Provincial Government of Bataan at DENR sa Department of National Defense para sa pangangalaga sa mga Philippine deer at sa kanilang habitat sa loob ng pasilidad. (Ulat ni Jun Dumaguing para sa Ang Pahayagan)

Larawan mula sa PG-ENRO-Bataan

Leave a comment

Trending