BOTOLAN, Zambales — Agad na ipinag-utos ni Gov. Hermogenes Ebdane Jr. ang pagkukumpuni sa nasirang bahagi ng dike sa Bucao River matapos itong inspeksyunin dahil sa patuloy na pag-ulan dala ng habagat nitong Lunes, Agosto 10.

Personal na nagtungo si Ebdane sa lugar upang suriin ang kondisyon ng dike at tiyakin ang agarang pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan, katuwang ang Pamahalaang Bayan ng Botolan.

Kasama ni Ebdane sa inspeksyon sina Botolan Mayor Jun Omar Ebdane, Provincial Consultant for Infrastructure Development Engr. Domingo Mariano, mga provincial engineer at municipal engineer ng Botolan.

Ayon kay Mariano, maaaring magdulot ng biglaang pagbaha sa mga kalapit na komunidad ang patuloy na paglambot ng pundasyon ng dike.

Dahil dito, ipinag-utos ni Ebdane ang pagdaragdag ng heavy equipment, kabilang ang mga backhoe at dump truck, para sa soil backfilling at paglalagay ng mga sandbag sa apektadong bahagi ng dike.

Sinabi ni Mariano na nakahanda ang pamahalaang panlalawigan na magdagdag pa ng mga makinarya kung kinakailangan upang maiwasan ang tuluyang pagkasira ng dike.

Patuloy naman ang pagtatambak ng lupa at iba pang hakbang sa pagkukumpuni sa nasirang bahagi ng dike.

Wala namang naitalang malubhang epekto sa mga komunidad na nakapaligid sa Bucao River, ayon sa mga awtoridad. Pinayuhan ang mga residente malapit sa Bucao River na manatiling alerto at maghanda sakaling lumala ang kondisyon ng panahon at tumaas ang lebel ng tubig sa ilog. (Ang Pahayagan Reportorial Team)

Leave a comment

Trending