OLONGAPO CITY — Arestado ang isang dating pulis matapos umanong barilin ang mag-asawa sa harap ng kanilang bahay sa Barangay Old Cabalan, Olongapo City nitong Biyernes ng gabi, Agosto 7, 2026.
Kinilala lamang ng pulisya ang suspek sa alyas na “Jerry”, 41-anyos at dismissed police officer, na naaresto matapos ang insidente.
Batay sa inisyal na ulat ng Police Station 4 ng Olongapo City Police Office, nangyari ang pamamaril dakong 8:15 ng gabi sa harap ng isang bahay sa Mulawin Lane, Purok 12, Barangay Old Cabalan.
Ayon sa paunang imbestigasyon, kabababa lamang umano ng biktimang kinilalang si “Dennis,” 52-anyos, sa kanyang sasakyan upang alisin ang parking sign sa harap ng kanilang gate nang biglang sumulpot ang suspek.
Binaril umano ng suspek si “Dennis” nang malapitan at tinamaan sa kaliwang bahagi ng tiyan. Sunod namang pinaputukan umano ng suspek ang asawa nitong si “Rowena,” 54-anyos, na noo’y nakaupo sa passenger seat ng kotse na sa kabutihang-palad ay napayuko ito kung kaya’t minor injury lamang sa ulo ang kanyang tinamo.
Hindi naman nakaligtas sa komprontasyon ang suspek matapos siyang mapigilan ng mga ng mga tao sa lugar bago dumating ang mga Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) at mga tauhan ng PNP. Agad namang isinugod si “Dennis” sa Baypointe Medical Center sa Subic Bay Freeport Zone para sa agarang pagpapagamot.
Naaresto ang suspek at narekober mula sa kanya ang dalawang baril, kabilang ang isang caliber 9mm Luger at isang caliber 9mm Daewoo.
Nahaharap ito sa mga reklamong Frustrated Murder, Attempted Murder at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa pamamaril at iba pang detalye ng insidente. (Ulat ni MITCH C. SANTOS para sa Ang Pahayagan)




Leave a comment