Nagpahayag ng pagtutol ang ilang lider ng katutubong Ayta at mga magsasaka mula sa mga komunidad sa Capas, Tarlac sa kontrobersiyal na Pax Silica Project sa isang press conference sa Quezon City.
Ayon sa kanila, posibleng makaapekto ang proyekto sa kanilang lupang ninuno, mga sakahan, tirahan at kalikasan. Kasabay nito, inilatag ng mga petitioner ang mahigit kalahating milyong lagda na kanilang nakalap bilang bahagi ng panawagang ipatigil ang proyekto.
Ayon kay Chieftain Petronila Capiz, lider ng komunidad ng mga Ayta, mahalaga sa kanila ang lupang sakop ng kanilang komunidad dahil ito ang kanilang lupang ninuno. Aniya, hindi lamang ito tirahan kundi bahagi rin ng kanilang kasaysayan at kultura dahil naroon ang kanilang mga libingan at iba pang pamana bilang katutubo.
“Ang lupa ay para sa mga katutubo, iyon ang aming lupang ninuno. Nandoon ang aming burial grounds kaya wala kaming plano na lisanin ito,” ani Capiz.
Iginiit din ng mga magsasaka na kailangang maprotektahan ang kanilang mga sakahan at kabuhayan na maaari umanong maapektuhan ng pagpapatupad ng proyekto.
Sa pamamagitan ng petisyon at suporta mula sa iba’t ibang komunidad at advocacy groups, umaasa ang mga tumututol sa Pax Silica Project na mapalakas ang pampublikong panawagan upang maipahinto ang proyekto.
Sinabi rin ng mga organizer na bukas sa panayam ang mga lider ng mga Ayta at magsasaka upang higit nilang maipaliwanag ang kanilang mga hinaing at posisyon hinggil sa proyekto.

Samantala, halos kasabay ng isinagawang press conference ay nakipagpulong ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa pamahalaang bayan ng Capas upang isulong ang talakayan hinggil sa panukalang Pax Silica Innovation Ecosystem sa New Clark City at tiyaking makikinabang dito ang mga residente ng bayan.
Pinangunahan ni BCDA President at Chief Executive Officer Joshua M. Bingcang ang pagpupulong kasama si Capas Mayor Roseller Rodriguez at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Sa pulong, inilatag ng BCDA ang pananaw nito para sa iminungkahing innovation ecosystem, kabilang ang mga plano para sa makabagong agrikultura, napapanatiling kabuhayan, at mga programang pangkaunlaran ng komunidad na layong magbigay ng benepisyo sa mga magsasaka at iba pang lokal na pamayanan habang patuloy na umuunlad ang New Clark City.
Ayon sa BCDA, inaasahang makatutulong ang proyekto sa pagpapalawak ng mga oportunidad para sa mga residente ng Capas at sa mga susunod na henerasyon.
Ipinahayag naman ng pamahalaang bayan ng Capas ang suporta nito sa pangmatagalang layunin ng proyekto at kinilala ang potensiyal nitong makahikayat ng mga pamumuhunan, makalikha ng de-kalidad na trabaho, mapalawak ang oportunidad para sa mga lokal na negosyo, at higit pang mapaunlad ang Central Luzon bilang sentro ng inobasyon at mga advanced na industriya.
Pinagtibay rin ng BCDA at ng lokal na pamahalaan ang kanilang pangakong ipagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad at iba pang stakeholder upang matiyak na ang planong pagpapaunlad ay magiging inklusibo, responsable, at kapaki-pakinabang sa mga mamamayan. (Ang Pahayagan Reportorial Team)




Leave a comment