SUBIC BAY FREEPORT — Ibinunyag ng Basel Action Network (BAN) at Environmental Task Force Against Illegal E-Waste Imports to the Philippines ang posibleng pagdating ng 184 container ng hinihinalang electronic waste (e-waste) mula Estados Unidos sa Subic Bay Freeport Zone sa pagitan ng Agosto 6 at Setyembre 2026.
Ayon sa nasabing environmental group, ang alerto hinggil sa pagdating ng umano’y e-shipments ay ipinarating na sa kaalaman ng Bureau of Customs (BOC) at Environmental Management Bureau (DENR-EMB) noong nakalipas na Miyerkules, Hulyo 29.
Ang mga kargamento umano ay natukoy umano sa pamamagitan ng “Operation Can Opener” alert ng naturang environment coalition.
Giit ng Environmental Task Force Against Illegal E-Waste Imports to the Philippines (END E-Waste Imports) tanging ang BOC at DENR-EMB, katuwang ang mga environmental organizations, ang dapat manguna sa mga isasagawang mga pag-inspeksyon at pagtukoy kung legal o iligal ang mga paparating na kargamento.
Ayon kay Jam Lorenzo, Deputy Executive Director ng BAN Toxics at isa sa mga convenor ng task force, hindi dapat ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang magpasya kung maaaring pumasok sa bansa ang mga imported waste mula Estados Unidos, Aniya, ang BOC at DENR-EMB ang mga kinikilalang “competent authority” sa usapin ng waste trade sa ilalim ng Basel Convention.
Sinabi ng BAN Toxic na ang 184 container ay posibleng kasama sa naunang inalerto shipment na hinarang na tatlong container ng BOC noong nakalipas na linggo.
Nagbunsod ito upang marubdob na igiit ng task force mga wastong pagsusuri at inspeksyon sa mga papasok na kargamento bago payagang maibaba sa pantalan ng Subic Bay Freeport.
Nanawagan ang BAN, BAN Toxics, GAIA Asia Pacific, BFFP Asia Pacific, Kalikasan People’s Network for the Environment, Greenpeace Philippines, at iba pang civil society organizations sa pamahalaan na agad na kumilos upang maiwasan ang pagpasok pa ng mga ilegal o hazardous e-waste shipment sa bansa.
Hiniling din ng mga grupo ang mahigpit na pagpapatupad ng Basel Convention upang matiyak na ang mga kargamentong hindi papayagang makapasok sa Pilipinas ay hindi basta maililihis sa ibang developing countries.
Binanggit pa sa statement ng environmental groups na mahalaga ang maagap na inspeksyon at pagpapatupad ng batas upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko at kapaligiran laban sa panganib na maaaring idulot ng ilegal na pag-aangkat ng electronic at hazardous waste. (Ulat ni MITCH C. SANTOS para sa Ang Pahayagan)





Leave a comment