OLONGAPO CITY — Naging maayos ang paggunita ng Undas 2026 sa mga sementeryo sa lungsod sa tulong ng mga ahensya ng pamahalaan, barangay personnel, at mga boluntaryong organisasyon na nagbantay upang matiyak ang kaligtasan ng mga dumalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Kabilang sa mga katuwang sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan ang Philippine National Police (PNP), Special Action Force (SAF), Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT), mga Barangay Health Worker, United Kabalikat Community, at Olongapo Tau Gamma Phi.

Ayon kay Barangay Kalaklan Captain Willie Umali, mahigit 100 kawani ng barangay ang itinalaga upang magbantay at magbigay ng serbisyo sa mga sementeryo sa buong araw.

Tinatayang 7,000 hanggang 8,000 katao ang dumalaw sa sementeryo sa buong araw, lalo na pagsapit ng hapon.

Naging maayos din ang daloy ng trapiko sa lugar. Pinayagan ang mga motorista na magparada sa ibabang bahagi ng sementeryo, basta’t hindi nakahahadlang ang kanilang mga sasakyan sa daloy ng trapiko.

Samantala, sinabi ni Alex Managbanag, administrative supervisor ng Olongapo Memorial Park, na dalawang buwan nilang pinaghandaan ang Undas at nakipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya upang matiyak ang kahandaan ng pasilidad.

Tinatayang aabot sa 70,000 katao ang dadalaw sa Olongapo Memorial Park mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.

Sa Olongapo Heritage Garden, sinabi naman ni OIC Manager Gerlyn Delos Santos na halos tatlong buwan ang inilaan nila sa paghahanda para sa pagdagsa ng mga bisita.

Kabilang sa mga katuwang sa paghahanda ang lokal na pamahalaan ng Olongapo, Olongapo Traffic Management and Public Safety Office (OTMPS), PNP, Barangay Sta. Rita, at Philippine Red Cross.

Tinatayang 15,000 hanggang 17,000 katao naman ang inaasahang dadalaw sa Heritage Garden mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2 upang mag-alay ng panalangin at magbigay-pugay sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Patuloy naman ang pagbabantay at pagbibigay-serbisyo ng Olongapo City Police Office upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa lungsod sa panahon ng Undas.

Nagpasalamat ang mga kinauukulan sa mga frontliner at boluntaryong nakiisa sa pagpapanatili ng kaayusan at pagtulong sa mga dumalaw sa mga sementeryo. (Ulat ni Mitch C. Santos para sa Ang Pahayagan / Larawan mula sa Olongapo City Information Office)

Leave a Reply

Trending