ZAMBALES – Tatlumpung (30) miyembro ng Palauig Mango Producers Cooperative (PMPC) ang nagtapos sa 17 sesyon ng Farm Business School (FBS) ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Barangay San Vicente, Palauig, Zambales.
Sa mga nagtapos, anim (6) ang kababaihan at dalawampu’t apat (24) ang kalalakihan. Sa pamamagitan ng pagsasanay, kinilala silang mga agripreneurs na inaasahang makapagpapatupad ng mas mahusay na pamamahala sa kanilang mga sakahan.
Pinangunahan ni Deputy Chief Agrarian Reform Program Officer (DCARPO) Dana J. Domingo, na kumatawan kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II (PARPO II) Francis Neil T. Pedralvez, ang seremonya ng pagtatapos. Dumalo rin si Municipal Agriculture Officer (MAO) Marajane Amuyot bilang suporta sa programa.
Nakiisa rin sa programa sina Barangay Captain Glen Elpus at PMPC Chairman Dick Acupan, na kabilang din sa mga nagtapos.

Ang FBS ay bahagi ng mga support services ng Department of Agrarian Reform na naglalayong mapataas ang ani, mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka, at makatulong sa pagsusulong ng seguridad sa pagkain.
Sa seremonya, nagtanghal ang mga nagsipagtapos bilang pagpapakita ng kanilang pasasalamat sa mga naging bahagi ng programa. Nagbigay rin ng pagkilala sa mga natatanging kalahok, kabilang si Gilmor Dalit na tinanghal na Most Participative Student.
“Ako ay nagpapasalamat sa Department of Agrarian Reform sa pagdevelop ng aming kakayahan. Dati-rati hindi ako naglilista, pero ngayon nililista ko na ang mga input at output ko sa pagsasaka,” ani Dalit.
Nagsilbing mga tagapagsanay sa programa sina Jane Dante at Rosario Eclarinal ng DAR-Program Beneficiaries Development Division.
Kasabay ng pagtatapos, namahagi rin ang DAR Zambales ng mga panimulang kagamitan sa pagsasaka tulad ng mga binhi, piko, at plastic mulch upang makatulong sa patuloy na pagpapalago ng kabuhayan ng mga nagtapos.
Ayon sa DAR, layunin ng Farm Business School na mapaunlad ang kakayahan ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa pamamahala ng sakahan sa pamamagitan ng pagsasanay sa pagpaplano, pagtatala ng gastusin at kita, at iba pang kasanayang pangnegosyo.




Leave a comment