CAPAS, Tarlac—Nagmartsa ang mga katutubong Aeta ng Capas, Tarlac mula sa Barangay O’Donnell Covered Court patungong Colonel Ernesto Ravina Air Base (CERAB) sa Barangay Sta. Juliana ngayong araw, Hulyo 14, 2026, kasabay ng pagdiriwang ng 79th Founding Anniversary ng Philippine Air Force (PAF).

Ang mga katutubo ay nanawagan sa pamunuan ng PAF at iba pang ahensya ng gobyerno na igalang ang karapatan sa kanilang lupang ninuno gayundin ang karapatan sa sariling pagpapasya.

Dala ng mga nagpoprotesta ang mga plakard na may panawagang “Barangay na kami bago pa man ang RA 7227 at PP 163,” “Mga traktor na pangsaka, huwag po sanang pagbawalang pumasok,” at “Proyektong imprastraktura, huwag itayo mula sa pangangamkam,” humilera ang mga katutubo sa kalsada upang iparating ang kanilang kahilingan.

Ayon sa mga nagpoprotesta, nagpapatuloy umano ang panggigipit, pananakot, at tangkang pagpapaalis sa kanilang mga komunidad upang bigyang-daan ang iba’t ibang proyekto na anila ipinatutupad nang walang makabuluhang konsultasyon, hindi kinukuha ang kanilang malaya, nauna, at may kabatirang pahintulot (Free, Prior and Informed Consent o FPIC).

Kabilang sa kanilang mga panawagan ang pagtutol sa pagpapalit-gamit ng mga lupang sakahan at iba pang produktibong lupain para sa pagpapalawak ng reserbasyong militar at ng New Clark City.

Iginiit pa nila na nadatnan na ng mga Kastila ang kanilang mga pamayanan sa Capas at nananatili anila ang bakas ng kanilang kasaysayan sa ilang pangalan ng mga lugar sa nasabing bayan samantalang noong 1992 at 1993 lamang, anila, ipinasa ang RA 7227 at inilabas ang PP 163.

Ayon pa sa mga organizer ng naturang rally, bahagi ng 9,450 ektaryang New Clark City ang humigit-kumulang 1,600 ektaryang inilaan para sa pagtatayo ng mga data center sa ilalim ng proyektong Pax Silica. (Larawan at ulat mula sa Mata: Asia Press Photo)

Leave a comment

Trending