SUBIC, Zambales— Sa loob ng limang araw, nanatiling walang ilaw ang entrance arch at mga streetlights sa loob ng Lumina Homes Subic, dahilan upang mangamba ang mga residente para sa kanilang kaligtasan.
Ayon Homeowners Association (HOA) sa pangunguna ng presidente nito na si Dr. Froilan Mobo, paulit- ulit na anilang ipinarating ang problema sa kinatawan ng Lumina Homes ngunit ang tanging katugunan ng pamunuan ay kasalukuyan pa umanong “pinoproseso” ang isyu.
Paliwanag ni Lorelei A. Surco, Project Head ng Lumina Homes Subic Town, na nasa developer pa ang pamamahala sa mga ilaw kaya ito ang inaasahang magsasagawa ng kinakailangang mga pagkukumpuni para rito.
Naiparating na rin ang problema kay Engr. Mariane De Castillo ng Subic Engineering Office subalit wala ring aksyon mula rito hanggang sa kasalukuyan.
Lalo pang umigting ang pangamba ng mga residente ng nasabing subdibisyon matapos kumalat ang balita na mayroong natagpuan at nahuling isang malaking cobra sa gilid ng kalsada.
Nakita umano ang ahas ng isang residenteng naglalakad gamit ang isang flashlight na agad na nagreport sa pamunuan ng komunidad upang respondehan ang insidente.
Dahil dito, nananawagan ang mga residente sa developer at sa kinauukulang ahensya na agad mapailaw ang mga streetlight ng subdivision upang maiwasan ang posibleng aksidente at mapanatili ang kaligtasan ng lahat.
Samantala, ayon naman sa ilang residente sa mga subdibisyon na karatig lang ng Lumina, madalas din anila silang nakakaranas ng brownout sa kabila ng napakataas ng sinisingil na ipinapataw ng electric distributor na nangangasiwa rito. (Ulat ni MITCH C. SANTOS para sa Ang Pahayagan)





Leave a comment