QUEZON CITY– Agad na tumugon ang DENR Metropolitan Environmental Office (MEO)–East sa ulat ng isang residente ng Barangay Matandang Balara, Quezon City kaugnay ng isang iguana na namataan sa kanilang komunidad.

Sa isinagawang retrieval operation, ligtas na narekober ng Enforcement Unit ng MEO-East ang naturang reptilya matapos itong boluntaryong isuko ng residenteng nag-ulat sa insidente. Isinailalim ang hayop sa kaukulang dokumentasyon at assessment upang matiyak ang kondisyon nito at maibigay ang naaangkop na pangangalaga alinsunod sa umiiral na wildlife management protocols.

Binigyang-diin ng DENR-NCR na mahalaga ang maagap na wildlife retrieval upang matiyak ang kaligtasan ng parehong tao at hayop. Ang wastong pagresponde ng mga awtoridad ay nakatutulong upang maiwasan ang hindi kinakailangang pinsala at masiguro na ang mga wildlife species ay mapangangasiwaan alinsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon.

Ang iguana ay isang uri ng reptilya na pangunahing kumakain ng mga dahon, bulaklak, at prutas. Bagama’t karaniwang hindi agresibo, maaari itong maging depensibo kapag nakakaramdam ng panganib o stress. Sa pagdami ng mga exotic animals na inaalagaan bilang alagang hayop, may mga pagkakataong ang mga ito ay nakakatakas o iniiwan, dahilan upang matagpuan sa mga pamayanan at magdulot ng pangamba sa publiko.

Muling pinaaalalahanan ng DENR-NCR ang publiko na huwag hulihin, saktan, o pakawalan ang mga ligaw o exotic na hayop na matatagpuan sa kanilang lugar. Sa halip, hinihikayat ang mga mamamayan na agad makipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan ng DENR, lokal na pamahalaan, o iba pang kinauukulang awtoridad upang maisagawa ang ligtas at wastong wildlife retrieval.

Leave a comment

Trending