SUBIC, Zambales — Ipatatawag ni Zambales First District Rep. Jay Khonghun sa Kongreso ang pamunuan ng Zambales II Electric Cooperative Inc. (ZAMECO II) at Olongapo Electricity Distribution Co. (OEDC) matapos sabihin na hindi siya kuntento sa naging paliwanag ng ZAMECO II kaugnay sa reklamo ng mga consumer sa umano’y mataas na singil sa kuryente.
Kasunod ito ng pakikipagpulong ng mambabatas kay ZAMECO II General Manager Romwil De Jesus na kung saan hindi umano naging sapat ang mga paliwanag at kailangang maramdaman ng mga mamamayan ang tunay na pagbaba ng kanilang buwanang bayarin sa kuryente.
“Hindi tayo kuntento sa sagot. Kailangan bumaba ang singilin sa kuryente,” pagdidiin ng kongresista.
Dahil dito, inihayag ni Khonghun na maglalabas ng subpoena ang Kamara de Representantes upang papuntahin sa pagdinig ang mga opisyal ng ZAMECO II at Olongapo Electricity Distribution Company (OEDC) upang maipaliwanag ang isyu sa mataas na singil sa kuryente at masagot ang mga hinaing ng mga consumer.
Sinabi ni Khonghun na layunin ng pagdinig na mabigyang-linaw ang mga isyung kinakaharap ng mga consumer at matukoy ang dahilan ng pagtaas ng mga singil sa kuryente na inirereklamo ng mga residente sa kanyang distrito.
Ilan sa mga reklamo ay mula sa mga pamilyang nagsabing ang kanilang dating humigit kumulang P1,500 na buwanang bayarin sa kuryente ay biglang umabot sa halos P6,000, dahilan upang mabigatan ang kanilang gastusin.
Ayon sa kongresista, mahalagang magkaroon ng malinaw at transparent na paliwanag mula sa mga power distributor upang matugunan ang pangamba ng publiko at matiyak na naipatutupad ang tamang paniningil sa mga consumer.
Umaabot sa tinatayang 98,000 consumer ang miyembro ng ZAMECO II, kabilang ang mga household, commercial at industrial consumers mula sa munisipalidad ng Subic hanggang Cabangan, Zambales.
Tiniyak ni Khonghun na hindi siya titigil sa pagbabantay sa isyu at pananagutin ang mga kinauukulan hanggang matiyak na magiging makatarungan, malinaw at patas ang paniningil sa kuryente sa mga mamamayan ng Unang Distrito ng Zambales.
Wala pang inilalabas na pahayag ang OEDC hinggil sa planong congressional inquiry, habang inaasahang ipagpapatuloy ng ZAMECO II ang pagbibigay ng paliwanag kaugnay sa isyu ng mataas na singil sa kuryente. (Ang Pahayagan Reportorial Team)




Leave a comment