NI: MITCH C. SANTOS

Nagsagawa ng press conference ang Bureau of Customs (BOC), katuwang ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Ecology Center at SBMA Regulatory Group, upang magbigay ng pinakahuling update kaugnay ng umano’y pagpasok ng electronic waste o e-waste shipments sa Subic Bay Freeport.

Sa naturang pagpupulong, tinalakay ng mga opisyal ang kasalukuyang estado ng mga kargamento, ang isinasagawang koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, at ang mga hakbang na ginagawa upang matiyak ang pagsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon sa pangangalaga ng kapaligiran.

Ayon sa mga opisyal, patuloy ang masusing pagsusuri at beripikasyon sa nilalaman ng mga container upang matukoy kung ang mga ito ay alinsunod sa mga umiiral na batas, kabilang ang mga probisyon ng Basel Convention at iba pang environmental regulations na ipinatutupad sa bansa.

Binigyang-diin ng BOC at SBMA ang kanilang pangako na tiyaking magiging maayos, transparent, at naaayon sa batas ang imbestigasyon sa isyu. Nakikipag-ugnayan din ang mga ito sa iba pang kaukulang ahensya upang matiyak na mapoprotektahan ang kalikasan at kalusugan ng publiko laban sa anumang posibleng panganib na dulot ng mga ipinapasok na basura.

Ilang araw bago ang media briefing ay nagsagawa ng magkasanib na inspeksyon ang Bureau of Customs (BOC), Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa ilang  recycling companies sa Subic Bay Freeport kasunod ng mga paratang na daan-daang container ng umano’y electronic waste (e-waste) mula sa Estados Unidos ang nakapasok sa bansa.

Ayon sa BOC, layunin ng inspeksyon na tiyakin ang pagsunod sa mga batas sa customs at pangangalaga sa kalikasan. Hindi pa isinapubliko ng ahensya ang mga kumpanyang sinuri at ang resulta ng inspeksyon.

Samantala, inaasahang maglalabas pa ng karagdagang impormasyon ang mga kinauukulang ahensya habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa kontrobersyal na umano’y e-waste shipments sa Subic Bay Freeport.

Leave a comment

Trending