WALANG PUWANG ANG E-WASTE SA SUBIC FREEPORT
Ang isinagawang joint inspection ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB), Bureau of Customs (BOC), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa mga recycling locator sa loob ng Subic Freeport ay isang mahalagang hakbang. Ngunit hindi dapat dito nagtatapos ang usapin.
Kung mapatutunayang may iligal o hindi wastong paghawak ng electronic waste (e-waste), dapat may managot. Hindi sapat ang inspeksiyon lamang. Kailangang matukoy kung sino ang nagpabaya, sino ang nagpasok, at sino ang nagbigay-daan sa mga gawaing maaaring magdulot ng panganib sa kalikasan at kalusugan ng publiko.
Ang e-waste ay naglalaman ng mga mapanganib na kemikal at mabibigat na metal na maaaring makontamina ang lupa, tubig, at hangin kapag hindi maayos ang pagproseso o pagtatapon nito.
Ang mga residente, manggagawa, at mga locator sa loob ng Subic Freeport ang unang maaaring maapektuhan kung pababayaan ang ganitong sitwasyon.
Bilang isang economic zone, may pananagutan ang SBMA na tiyaking ang lahat ng negosyong pinapayagang mag-operate sa loob ng Freeport ay sumusunod sa mga batas pangkalikasan. Ang pag-unlad ng ekonomiya ay hindi dapat isinasakripisyo ang kaligtasan ng tao at ang pangangalaga sa kapaligiran.
Ang pangyayaring ito ay dapat magsilbing babala sa lahat ng ahensiyang may tungkulin sa regulasyon. Kung may paglabag, dapat itong aksiyunan agad at panagutin ang mga responsable alinsunod sa batas. Ang mahigpit na pagpapatupad ng environmental laws ay hindi lamang para sa kapakanan ng kasalukuyang henerasyon kundi para rin sa mga susunod.
Sa usaping e-waste, walang puwang ang kapabayaan. Ang pananagutan, transparency, at mahigpit na pagpapatupad ng batas ang nararapat na manaig.





Leave a comment