Zambales – Nagsagawa ng pinagsamang outreach activity ang Alpha Company ng 69th Infantry (Cougar) Battalion (69IB), katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Sta. Cruz, Municipal Agriculture Office, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), sa Sitio Acoje at Sitio Mapalad, Barangay Lucapon South.
Isinagawa ang aktibidad sa ilalim ng pamumuno ni LTC Mark Anthony B. Ruelos, Commanding Officer ng 69IB, at pinangunahan ni 1Lt Alex B. Paz, Commanding Officer ng Alpha Company. Nakiisa rin sa programa ang mga CMOCET students sa paghahatid ng iba’t ibang serbisyo sa covered court ng Sitio Acoje at sa Mapalad Elementary School.

Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang pamamahagi ng pagkain, Information and Education Campaign (IEC) tungkol sa West Philippine Sea (WPS), at libreng gupit para sa mga mag-aaral, guro, at kawani ng Acoje Elementary School at Mapalad Elementary School.
Layunin ng programa na mailapit ang mahahalagang serbisyo sa komunidad, mapalawak ang kaalaman ng mga residente at mag-aaral hinggil sa mahahalagang isyung pambansa, at higit pang mapatatag ang ugnayan ng hukbo, lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya sa pagsusulong ng kapayapaan, pagkakaisa, at kaunlaran sa komunidad.

📸 69IB Cougar Battalion 7ID





Leave a comment