OLONGAPO CITY– Napuno ng tawanan, saya, at inspirasyon ang SM Olongapo Downtown Cinema 3 nitong Hulyo 4 sa ginanap na “Laugh for a Cause”, isang charity comedy event na naglalayong makalikom ng pondo para sa mga batang, kabataan, at young adults na lumalaban sa kanser sa ilalim ng Subic Olongapo Cancer Foundation Inc. (SOCFI).
Tampok sa programa sina Atty. Ed Chico, Pastor Ruther Urquia, at Mardee Almighty, kasama ang mga komedyante ng Comic Five-O na sina Dale Constantino, Anthony Favors, Keane Portacio, at Trixie Corpez. Pinangunahan naman ni Mak Navarez ang pagho-host ng event.
Bukod sa hatid na kasiyahan, nagsilbi ring paalala ang programa na sa gitna ng mga pagsubok sa buhay, may puwang pa rin para sa pag-asa, paghilom, at pagkakaisa.
Bawat tawanan at ngiti ng mga dumalo ay naging simbolo ng suporta at malasakit para sa mga pasyenteng nakikipaglaban sa kanser.
Ayon sa mga organizer, ang matagumpay na charity event ay patunay na ang simpleng pagtawa ay maaaring maging daan upang makapagbigay ng pag-asa at makatulong sa mga higit na nangangailangan.
Sa huli, muling napatunayan na ang laughter is truly powerful—lalo na kung ito ay ibinabahagi para sa isang makabuluhang adhikain. (Ulat ni MITCH C. SANTOS / larawan kuha ni EDGARDO REVADILIO JR., para sa Ang Pahayagan)





Leave a comment