ZAMBALES– Kinilala si Prof. Froilan D. Mobo ng Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) bilang isa sa Top 1,000 Scientists in the Philippines para sa taong 2026, ayon sa inilabas na talaan ng AD Scientific Index 2026.
Nakuha ni Prof. Mobo ang Rank #812 sa prestihiyosong listahan, bilang pagkilala sa kanyang mahahalagang ambag sa larangan ng akademya at pananaliksik.
Si Prof. Mobo ay kasalukuyang Professor II sa PMMA at nagtataglay ng mga titulong DPA, Ph.D., LPT, at CHRA.
Kilala siya sa kanyang pananaliksik na nakatuon sa pagpapalawak ng kaalaman at inobasyon sa iba’t ibang disiplina.
Batay sa inilabas na datos ng AD Scientific Index, nagtala si Prof. Mobo ng h-index na 12, i10-index na 14, at kabuuang 438 citations, kung saan 433 dito ay mula sa mga kamakailang publikasyon.
Kabilang sa kanyang pangunahing larangan ng pananaliksik ang Educational Technology, Information Technology, Social Sciences, Digital Transformation, at Maritime Innovation, na nagkaroon ng malaking ambag sa pagpapaunlad ng edukasyon at sektor ng maritima sa bansa.
Itinuturing ang pagkilalang ito bilang patunay ng lumalawak na kalidad ng pananaliksik ng mga Pilipinong iskolar at ng mahalagang papel ng PMMA sa pagsusulong ng kahusayan sa akademya at inobasyon.
Nagpaabot din ng pagbati ang maraming kasamahan, estudyante, at netizen bilang pagkilala sa tagumpay ni Prof. Mobo at sa karangalang iniuwi niya para sa bansa. (Ulat ni MITCH C. SANTOS para sa Ang Pahayagan)




Leave a comment