NI: MITCH C. SANTOS
SUBIC BAY FREEPORT– Inanunsyo ng Department of Trade and Industry (DTI) Zambales, katuwang ang creative community organization na I-Pilipino, ang paglulunsad ng PAGTATAG Creatives Crawl 2026, isang limang araw na programa na naglalayong palakasin ang lokal na creative industry at gawing mas matatag at handa sa hinaharap ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Gaganapin ang aktibidad mula Hulyo 8 hanggang 12, 2026 sa Activity Center ng Ayala Malls Harbor Point sa Subic Bay Freeport Zone, kasabay ng pagdiriwang ng National MSME Development Week.
May temang “Navigating the Shift: Building Resilient and Future-ready MSMEs” at may opisyal na islogang “Shaping Spaces, Crafting Stories: Innovating the Creative Future,” layunin ng programa na maiangat ang talento ng mga lokal na artist at malikhaing propesyonal tungo sa mas matatag at kompetitibong negosyo.
Kabilang sa mga tampok ng event ang mga exhibit at aktibidad sa larangan ng Architecture and Built Environment, Miniatures and Model-Making, Mosaic Tile Art, at Visual, Literary, at Performing Arts.
Sa loob ng limang araw, magkakaroon ng grand opening, industry panel discussions, mosaic tile art workshop, live bag-painting demonstrations, performing arts showcase, at Business-to-Business (B2B) networking upang pag-ugnayin ang mga local creators sa mga hotelier, developer, design firms, at iba pang potensyal na kliyente.
Ayon sa DTI Zambales at I-Pilipino, layunin ng programa na makabuo ng pangmatagalang oportunidad sa negosyo at direktang ugnayan sa pagitan ng mga lokal na supplier at corporate buyers upang mapalawak ang merkado ng mga malikhaing produkto ng Zambales.
Libre ang pagpasok sa pangunahing exhibition grounds at bukas ito sa publiko, mga mamimili, at media.





Leave a Reply