OLONGAPO CITY – Nagsampa ng kasong sibil para sa danyos ang pamilya ng isang tricycle driver na nasawi matapos masangkot sa aksidente sa kalsada noong Abril laban sa driver ng truck trailer at sa logistics company na umano’y kanyang pinagtatrabahuhan.

Sa reklamong inihain sa hukuman, hiniling ni Josefa Arcilla Estigoy, kapatid ng yumaong si Jerry Zantua Arcilla, na pagbayarin ng actual, moral at litigation damages sina Kernel Hector E. Macapagal at Aim High Philippines Logistics Inc.
Batay sa reklamo, nasawi si Arcilla noong Abril 23, 2026 matapos mabangga ang kanyang minamanehong tricycle ng isang truck trailer na may plakang NLF 6023, na umano’y minamaneho ni Macapagal sa Olongapo City.
Agad na isinugod sa James L. Gordon Memorial Hospital si Arcilla matapos ang insidente ngunit kalaunan ay binawian ng buhay dahil sa matinding pinsala sa utak o traumatic brain injury na kanyang natamo sa aksidente.
Ayon pa sa reklamo, isang araw matapos ang insidente o noong Abril 24, 2026, lumagda umano si Macapagal sa isang Affidavit of Undertaking kung saan nangako itong sasagutin ang mga gastusin kaugnay ng pagkamatay ng biktima.
Dahil dito, pumirma rin umano si Estigoy sa isang Affidavit of Settlement na nagpapahayag ng kanyang intensiyong huwag nang magsampa ng reklamo laban sa driver.
Gayunman, iginiit sa reklamo na hindi umano tinupad ni Macapagal ang mga nakasaad sa kanyang kasunduan kaya napilitan ang pamilya na dumulog sa hukuman upang humingi ng kaukulang remedyo.
Binanggit pa sa reklamo na dapat managot ang Aim High Philippines Logistics Inc., na nakasaad sa reklamo bilang employer ni Macapagal at may-ari o lessee ng sasakyang sangkot sa aksidente.
Dapat umano managot ang kumpanya sa ilalim ng prinsipyong vicarious liability o respondeat superior, dahil sa ginagampanang trabaho ng driver nang mangyari ang insidente.
Humihingi si Estigoy ng P221,000 bilang actual damages para sa mga gastusin sa ospital, burol, libing at iba pang kaugnay na bayarin ng pamilya.
Hinihiling din niya sa korte na pagkalooban siya ng hindi bababa sa P200,000 bilang moral damages dahil sa matinding dalamhati, pagdurusa, kawalan ng tulog at emosyonal na pinsalang dulot ng pagkamatay ng kanyang kapatid.
Bukod dito, humihingi rin siya ng P50,000 bilang attorney’s fees, P3,000 na appearance fee sa bawat pagdinig sa korte, at reimbursement ng iba pang gastusin sa paglilitis.
Una na nagpadal ng demand letter ang pamilya kina Macapagal at sa logistics company bago isinampa ang kaso, subalit bigo ang kaanak ng nasawi makakuha ng tugon.
Wala pang inilalabas na pahayag sina Kernel Hector E. Macapagal at Aim High Philippines Logistics Inc., na iniulat na pag-aari ng pamilya Maningding kaugnay ng mga alegasyong nakasaad sa isinampang kaso.

Leave a comment