Ang Pahayagan

LGU San Marcelino nagtanim ng 350 African talisay sa pagdiriwang ng Arbor Day

SAN MARCELINO, Zambales β€” Nagtanim ang pamahalaang lokal ng San Marcelino ng humigit-kumulang 350 punla ng African talisay sa paligid ng Mt. Bagang sa Barangay Sta. Fe nitong Biyernes, Hunyo 26, bilang pagdiriwang ng Municipal Arbor Day at Philippine Environment Month.

Pinangunahan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), sa pamumuno ni Municipal Environment and Natural Resources Officer Marvin Beltran, ang tree-growing activity na isinagawa sa lugar na bahagi ng reforestation project ng POBC.

Ayon sa MENRO, layunin ng aktibidad na isulong ang pagtatanim ng mga puno at palakasin ang kamalayan ng mamamayan sa pangangalaga ng kalikasan.

Bago ang pagtatanim, binigyang-diin ni Mayor Elvis Ragadio Soria ang kahalagahan ng pagtatanim ng mga puno bilang ambag sa pangangalaga ng kapaligiran para sa susunod na henerasyon. Hinikayat din niya ang mga residente na makiisa sa mga programa ng pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng climate change at mapangalagaan ang mga kabundukan at iba pang likas na yaman ng bayan.

Nakiisa sa aktibidad sina Vice Mayor Jimbo Ragadio Gongora; mga miyembro ng Sangguniang Bayan na sina Louella Aquino, Alex Beltran, Earl B. Yap, Jeffrey Pimentel, at Jay Peralta; gayundin ang mga kinatawan ng DENR-CENRO Olongapo sa pangunguna ni Tristan Mallari.

Lumahok din ang mga department head at kawani ng LGU San Marcelino, mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan, pati na rin ang mga kinatawan ng Department of the Interior and Local Government, Municipal Trial Court, Commission on Elections, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Army, at iba’t ibang civil society organizations.

Dumalo rin si James Tsai, pangulo ng POBC at Hokei Subic Corp., na siyang may-ari ng reforestation project sa Mt. Bagang.

Ang pagdiriwang ng Arbor Day ay alinsunod sa Republic Act No. 10176, na nagtatakda sa huling Biyernes ng Hunyo bilang Arbor Day upang hikayatin ang aktibong pakikilahok ng mamamayan sa pangangalaga at pagpapanumbalik ng kalikasan.

Sa San Marcelino, ang taunang pagdiriwang ng Arbor Day ay isinabatas sa pamamagitan ng Municipal Ordinance No. 2024-192, na nagdedeklara sa huling Biyernes ng Hunyo bilang opisyal na pagdiriwang ng Arbor Day sa bayan.

πŸ“ΈSan Marcelino Information Office

Leave a comment