NI: MITCH C. SANTOS
QUEZON CITY — Nagkaisa ang iba’t ibang environmental group upang kondenahin ang umano’y pagpasok ng mapanganib na electronic waste (e-waste) mula sa Estados Unidos patungo sa Pilipinas sa pamamagitan ng Subic Bay Freeport Zone.
Sa isang press briefing, inilunsad ang Environmental Task Force Against Illegal E-Waste Imports to the Philippines (END E-WASTE IMPORTS) na binubuo ng BAN Toxics, Basel Action Network (BAN), GAIA Asia Pacific, Greenpeace Philippines, Ecowaste Coalition, Kalikasan PNE, at iba pang organisasyon.
Ipinakita ng task force ang mga larawang kuha sa isang pasilidad sa Subic kung saan nakatambak umano sa labas ang mga e-waste na nakabilad sa araw at ulan. Ayon sa BAN, natunton nila ang mga pinaghihinalaang shipment gamit ang GPS trackers na inilagay sa mga sirang elektronikong kagamitan.

Mula Marso 2025, nakapagpadala na umano ang BAN ng 14 alerto sa Bureau of Customs (BOC) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay ng 234 container ng pinaghihinalaang e-waste at isang container ng plastic waste. Gayunman, sinabi ng grupo na nahaharangan ang aksyon laban sa mga shipment dahil sa desisyon ng Manila Regional Trial Court na kumikilala sa Subic Bay Freeport bilang hiwalay na customs territory.
Iginiit ng BAN Toxics na nilalabag ng pagpasok ng mga naturang basura ang Basel Convention, isang pandaigdigang kasunduan na nagbabawal sa paglipat ng hazardous waste mula sa mga bansang hindi kasapi, tulad ng Estados Unidos, patungo sa mga kasaping bansa gaya ng Pilipinas.
Nagbabala rin ang mga grupo laban sa anumang posibleng kasunduang bilateral sa pagitan ng US at Pilipinas na maaaring magbigay-daan sa pag-export ng hazardous waste sa bansa.
Samantala, nanawagan si Kabataan Party-list Rep. Renee Co ng masusing imbestigasyon sa Kongreso upang matukoy ang mga responsable sa umano’y iligal na shipment at mapanagot ang mga opisyal na posibleng sangkot dito.
Binigyang-diin naman ng mga environmental advocate ang panganib ng e-waste sa kalusugan at kalikasan dahil sa taglay nitong mga nakalalasong kemikal na maaaring makontamina ang hangin, tubig, at lupa.
Nanawagan ang END E-WASTE IMPORTS sa pamahalaan na higpitan ang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan, ipagbawal ang pagpasok ng hazardous electronic at plastic waste, at tiyaking hindi magiging tambakan ng dayuhang basura ang Pilipinas.


Leave a comment