SUBIC, Zambales — Matagal nang nagpapatupad ng mga programang pangkahandaan laban sa El Niño ang lokal na pamahalaan ng Subic kaugnay ng inaasahang epekto ng matinding tagtuyot.
Ayon kay Mayor Jonathan “Jon” Khonghun patuloy na isinasagawa ang desilting o pagpapalalim ng mga ilog sa Manggahan, Ilwas at Sacatihan, gayundin ang paglilinis ng mga creek at kanal sa iba’t ibang barangay upang mapanatili ang maayos na daloy ng tubig at maiwasan ang mga suliraning dulot ng matitinding pagbabago ng panahon.

Pinalalakas din ng munisipyo ang suporta sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga binhi at pagbibigay ng teknikal na gabay sa mga magsasaka upang mabawasan ang epekto ng tagtuyot sa produksyon ng pagkain.
Nakaantabay rin ang 20 water tanker truck ng LGU para sa pamamahala at distribusyon ng suplay ng tubig sakaling magkaroon ng kakulangan sa mga komunidad.

Kasabay nito, nagpapatuloy ang mga programang pangkalusugan, ayuda, food assistance at rice assistance para sa mga pamilyang maaaring maapektuhan ng epekto ng El Niño.
Inaasahan ding mapapalakas ang kakayahan ng bayan sa pagtugon sa mga health emergency sa nakatakdang pagbubukas ng Subic General Hospital ngayong taon.

Araw araw namang nagsasagawa ng monitoring, information drive at disaster preparedness activities ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) bilang bahagi ng kanilang mandato sa paghahanda laban sa mga kalamidad.
Ayon sa Alkalde, ang mga hakbang laban sa epekto ng El Niño at iba pang pagbabago sa klima ay matagal nang bahagi ng kanilang programa sa ilalim ng janyang administrasyon para sa kapakanan ng mga Subikenyo. (PR)

Leave a comment