Ang Pahayagan

Sugatang Olive Ridley Sea Turtle, Nasagip sa Baseco Beach

LUNGSOD NG MAYNILA– Isang sugatang Olive Ridley Sea Turtle (Lepidochelys olivacea) ang nasagip sa Baseco Beach, Barangay 649, Manila City, matapos itong matagpuang hirap lumangoy ng mga residente habang nangingisda sa madaling araw.

Ayon sa ulat, namataan ang pawikan na palutang-lutang malapit sa baybayin at may senyales ng pinsala na posibleng dulot ng pagkakatama sa isang sasakyang pandagat. Agad itong inilagay sa ligtas na lagayan ng mga residente at iniulat sa DENR Metropolitan Environmental Office (MEO)-West para sa agarang pagresponde.

Mabilis na nagsagawa ng assessment at retrieval operation ang DENR MEO-West sa pamamagitan ng Compliance Monitoring and Enforcement Office. Sa paunang pagsusuri, napag-alamang ang pawikan ay may habang 56 sentimetro, lapad na 46 sentimetro, at bigat na 23.7 kilo. Natukoy rin ang sugat at pinsala sa kanang bahagi ng katawan nito.

Dahil sa kondisyon nito, agad na inilipat ang pawikan sa Wildlife Rescue Center ng Biodiversity Management Bureau (BMB) upang sumailalim sa veterinary assessment, medikal na paggamot, at rehabilitasyon bago muling pakawalan sa natural nitong tirahan.

Ang Olive Ridley Sea Turtle ay kabilang sa limang species ng pawikan sa Pilipinas at nakalista bilang “Vulnerable” sa International Union for Conservation of Nature (IUCN) Red List dahil sa mga banta tulad ng polusyon sa karagatan, marine debris, habitat destruction, ilegal na wildlife trade, at aksidenteng pagkakasangkot sa mga aktibidad sa pangingisda at maritime operations.

Ipinapakita ng insidenteng ito ang mahalagang papel ng publiko sa wildlife conservation. Dahil sa maagap na pag-uulat ng mga residente, nabigyan ng pagkakataon ang pawikan na makatanggap ng kinakailangang pangangalaga at rehabilitasyon.

📸 DENR NCR

Leave a comment